Kontrol sa NIA, ibinalik ni PBBM sa ilalim ng kanyang opisina

0
141

MAYNILA. Naglabas si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng isang executive order (EO) na nagbabalik sa National Irrigation Administration (NIA) sa ilalim ng superbisyon ng Office of the President (OP) mula sa Department of Agriculture (DA), at inayos muli ang komposisyon ng Board of Directors ng NIA.

Ayon sa EO 69, na nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Setyembre 5 at isinapubliko nitong Martes, ang NIA ay ilalagay sa ilalim ng OP “for policy and program coordination.” Matatandaang noong 2022, sa pamamagitan ng EO 168, ang NIA ay isinailalim sa superbisyon ng DA.

“Irrigation management and development is vital towards achieving food security and ensuring infrastructure development in the country, which are among the Administration’s priority initiatives,” ayon sa EO 69.

Dagdag pa rito, binigyang-diin ng EO na “It is imperative to streamline and rationalize the functional relationships of agencies with complementary mandates, in order to promote coordination, efficiency, and coherence within the bureaucracy.”

Sa ilalim ng EO 69, ang Board ng NIA ay bubuuin ng kinatawan mula sa OP, ang NIA administrator, mga Kalihim ng DA, Department of Public Works and Highways (DPWH), at National Economic and Development Authority (NEDA), kasama ang isang kinatawan mula sa pribadong sektor na itatalaga ni Pangulong Marcos.

Nakasaad din sa EO na ang eleksyon, appointment, o designation ng chairperson, vice chairperson, at iba pang opisyal ng Board of Directors ay dapat na naaayon sa Republic Act (RA) 10149 o ang Governance Commission for Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCC) Governance Act of 2011.

Bago ilabas ang EO 69, ang Kalihim ng DA ang nagsisilbing chairman ng NIA Board, habang ang NIA administrator ang tumatayong vice chairperson. Kabilang din sa mga miyembro ng Board ang mga kinatawan mula sa DPWH, NEDA, National Power Corporation (Napocor), at pribadong sektor na kumakatawan sa rice at corn industry. Sa bagong EO, tinanggal ang Napocor bilang miyembro ng board.

Agad na magiging epektibo ang EO 69 matapos itong mailathala.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo