ANGONO, RIZAL. Patay ang isang ginang habang malubhang sugatan ang kanyang mister nang mawalan ng preno ang kanilang sinasakyang kotse sa pababang bahagi ng kalsada at mahulog sa bangin bago bumangga sa isang malaking puno sa Angono, Rizal kamakalawa ng hapon.
Dead-on-arrival sa Rizal Provincial Hospital System Annex, Angono, ang biktimang si Marilou Lascota habang nilalapatan pa ng lunas sa Manila East Medical Center ang kanyang mister na si Noel Lascota Sr..
Batay sa ulat ng Angono Municipal Police Station, naganap ang aksidente dakong ala-1:30 ng madaling araw sa Col. Guido Extension, Upper Manggahan, Brgy. San Isidro, sa Angono.
Sa salaysay ni Noel Lascota Jr., panganay na anak ng mga biktima, bago naganap ang insidente ay nagtungo ang kanyang mga magulang sa Thunderbird Resorts, Hotels and Casinos sa Binangonan, Rizal upang maglibang at nanatili doon ng ilang oras.
Ayon sa pulisya, pauwi na umano ang mga biktima sakay ng isang kulay puting Honda Civic, na may plakang NEX-8051, nang pagsapit sa pababang bahagi ng Col. Guido Extension, patungong Manila East Road, ay bigla na lang nagkaroon ng mechanical failure ang sasakyan at nawalan ng preno.
Dahil dito, nawalan ng kontrol ang mister sa manibela at tuluy-tuloy na nahulog sa bangin hanggang sa bumangga pa sa isang puno na nagresulta sa matinding pinsalang inabot ng mag-asawa.
Kaagad na isinugod sa ospital ang mag-asawa matapos maiahon sa bangin ngunit habang daan ay bawian ng buhay ang ginang.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.