Kuya pinatay ni bunso

0
138

LIPA CITY, Batangas. Patay ang isang tricycle driver matapos pagbabarilin ng kanyang bunsong kapatid na barangay tanod sa Barangay Balintawak, lungsod na ito.

Naganap ang insidente sa J. P. Laurel highway noong Huwebes ng umaga. Ayon sa ulat ni Police Col. Samson Belmonte hepe ng Lipa City Police Station, ang biktima ay kinilalang si Jason Ganggang, 44 anyos na residente ng Lipa City.

Batay sa imbestigasyon, habang minamaneho ni Jason ang kanyang tricycle kasama ang kaniyang misis, hinarang sila sa daan ng isa pang tricycle na minamaneho naman ni Jonel, 36 taong gulang at nakababatang kapatid ng biktima.

Sa pag-aakalang may sasabihin sa kanyang kuya, itinabi ni Jason ang tricycle sa gilid ng kalsada at nakangiting sinalubong si Jonel. Ngunit bigla umanong binunot ng suspek ang kanyang 357 revolver at binaril sa uloang kapatid.

Agad na tumakas si Jonel matapos ang insidente subalit nahuli din agad siya ng mga pulis sa isang hot pursuit operation.

Nangangailangan pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang alamin ang motibo sa likod ng pagpatay.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.