Nilinaw nila ng Philippine National Police kahapon na kapatid ng Grade 7 na biktima ang pangunahing suspek sa kanyang pagkamatay sa Barangay Cansojong, Talisay, Cebu, at pinabulaanan ang unang ulat na may armadong lalaki na pumasok.
Ayon kay PCol. Jean Fajardo, hepe ng PNP-Public Information Office, ang baril na naging sanhi ng trahedya ay nahulog mula sa bulsa ng kuya ng biktima habang ito ay nakahiga. “Ang totoo po aksidente po itong namatay dahil ‘yung isang kapatid po niya ay nalaglag po ang baril mula bulsa at tumamang aksidente ang bala sa kapatid nya na during that time ay nakahiga po,” ani Fajardo.
Dagdag pa ni Fajardo, sasampahan ng mga kaso ng obstruction of justice at reckless imprudence resulting in homicide ang kapatid ng biktima na si Jacqueline Reponte. Kasama rin sa mga kasong obstruction of justice ang hipag at ama ng biktima dahil sa kanilang pagtatangkang pagtakpan ang krimen.
Natuklasan na itinago ng ama ng biktima ang baril na walang lisensiya pagkatapos ng pangyayari. Nakuha na rin ito ng mga pulis at isinasailalim sa ballistics examination.
“Mali po ‘yung unang lumabas na pinalabas nila na may pumasok doon at sinira pa nila ang pinto para masuportahan ang sinasabi nila na may pumasok na ibang tao doon at binaril ‘yung bata ay sinira pa nila ang pinto para palabasin na pagnanakaw ang motibo but the truth and in fact ‘yung kapatid po ang aksidenteng nakapatay,” dagdag pa ni Fajardo.
Ayon sa imbestigasyon, nakakuha ng kopya ng CCTV ang mga pulis kung saan maririnig ang usapan ng mga sangkot sa krimen at ang pagtatakip sa mga ito. Lumilitaw din na sangkot ang suspek sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.