Labanan ng social class ang ginanap na eleksyon

0
499

Naka-move on na ba ang lahat? 

Marami pa rin ang nagtataka, nag iisip at hindi makapaniwala sa naging resulta ng nagdaang eleksyon. Tulad ng laging inaasahan, dalawa lang ang inuuwian ng kandidato pagkatapos ng halalan – nanalo at dinaya. Walang natatalo.

Panahon na ng evaluation. Bakit natalo? Bakit nanalo? Lahat yan ay kayang sagutin ng tamang analysis batay sa matalas na obserbasyon.

Posibleng natalo si Leni dahil ang mayorya ng supporters niya ay rich, very rich at filthy rich. Karamihan sa volunteers niya ay galing sa middle class. Nasaksihan natin kung paano naging aktibo ang mga estudyante ng mga de kalibreng eskwelahan. Hindi talaga sila bayaran dahil meron silang sapat na pang gastos sa pag iikot para mangampanya. Kaya nga meron silang kasabihan na ‘sa rally ni Leni, hindi ka magugutom.’ Hinahagis lang ang Yum Burger. Maraming nag aabot ng drinks, cupcakes, candies, pastries. Libre ang  Amberkrambol Iceskrambol na taga San Pablo ang founder. Beke nemen.

Bayaran daw ang mga volunteers ni Bongbong Marcos Jr. Posible. Dahil hindi naman sila rich. Hindi rin middle class. Pack lunch daw ang pagkain. Hakot daw ang tao. Pwede. Dahil wala silang extra money para sa pamasahe at tsibog. Karamihan sa BBM rally ay ginanap sa mga depressed na lugar. Masikip, matrapik, walang class, marumi ngunit naroon ang puso at dugo ng masa.

Walang duda, masisipag ang mga loyalista ni Leni. Marubdob ang ipinakita nilang pagkilos para isulong ang kanilang adhikain. Naging halimbawa sila ng tunay na spirit of volunteerism. Pero hindi sumapat ang bilang nila. Ipinakita ng eleksyong ito na hindi talaga ganoon karami, kahit pagsama samahin ang bilang ng mayaman, napakayaman, sobrang yaman at middle class. Maaaring sumobra sila sa resources pero kinulang sa boto.

Jologs daw ang mga entertainment ni BBM kagaya ng malalaswang dancers at pangit na rapper. Sinabayan pa ng kanta ng ‘Wonderful Tonight’ ni Robin Padilla. Comfort song ito ng mga trabahador at trabahadora, obrero at obrera, tindero at tindera na lalong pinasasarap ng isang boteng Red Horse at pulutang kwek kwek.

Napag aralan ng kampo ni BBM ang ugali, gusto, kiliti at kahinaan ng grass roots at pumatok naman. Ginawa silang bida sa kampanya ng anak ni Marcos Sr. Maraming nangarap at umasa sa bente pesos kada kilo ng bigas. Higit sa lahat, ‘di hamak na mas marami sila.

Ayon sa pinakahuling Family Income and Expenditure Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), naitala na ang karamihan (58.4%) ng mga Pilipino ay kabilang sa Low-income class , habang ang middle class ay binubuo ng humigit-kumulang 40% ng populasyon. 1.4% lang ang bumagsak sa high-income class.

Maituturing na labanan ng social class ang nagdaan eleksyon. Mahigit na 16% ng populasyon ng bansa ay nagdarahop at nabubuhay ng below poverty line. Dahil maraming umaasa sa agrikultura upang mabuhay sa gitna ng hindi pantay-pantay ang pamamahagi ng yaman. Mahigit na 17.6 milyong Pilipino ang gumagapang para makabili ng basic na pangangailangan araw araw.

Nanalo si BBM bitbit ang simpleng battle cry na ‘Unity.’ Kahimanawari.

References: 

The Borgent Project https://borgenproject.org/tag/poverty-in-the-philippines/

MoneyMax https://www.moneymax.ph/personal-finance/articles/social-class-philippines

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.