Labi ng Pinay OFW na pinaslang sa Jordan, iniuwi na

0
276

Nakaburol na sa Pilipinas ang labi ni Mary Grace Santos, isang overseas Filipino worker na pinaslang sa Amman, Jordan, ayon sa ulat ng mga opisyal.

Si Santos, isang 34-taong gulang na household service worker mula sa Pampanga, ay ginahasa at pinatay ng isang menor de edad na Egyptian suspect na anak ng caretaker ng kanyang employer noong unang bahagi ng buwan, ayon kay Undersecretary Bernard Olalia ng Migrant Workers.

Ipinagbigay-alam ng pamilya ni Santos ang kanyang pagkawala noong ika-12 ng Oktubre. Natagpuan ang kanyang bangkay sa basement ng gusali kung saan siya nagtratrabaho sa Amman, ayon sa mga pulis ng Jordan.

Ayon kay Olalia, inamin ng suspek ang krimen at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya.

Humihiling ng katarungan ang ina ni Mary Grace Santos na si Maria Lisa Santos. “Mabait po sa akin, sa mga kapatid niya. Good provider sa mga anak niya,” ayon sa nagdadalamhating ina at idinagdag na siya ang mag-aalaga sa kanyang dalawang apo na nananatili pa sa Jordan.

Ang pagkamatay ni Mary Grace Santos ay nagdulot ng pangungulila at hinagpis hindi lamang sa kanyang pamilya kundi pati na rin sa mga kababayan sa Pilipinas. Hinihiling ng kanyang pamilya at ng mga kaanak na mabilisang maresolba ang krimen at mabigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay.

Unang ibinahagi ng CNN ang ulat na ito.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.