Lacson: Halos lahat ng senador sa 19th Congress may budget insertion; P255B flood control funds ililipat sa ibang programa

0
455

MAYNILA — Ibinunyag ni dating Senador Panfilo Lacson na halos lahat ng senador sa ika-19 na Kongreso ay may inilagay na malalaking “insertions” o dagdag na alokasyon sa 2025 national budget, na umabot umano sa daan bilyong piso.

Ayon kay Lacson, nakita na niya ang listahan ng mga senador na may malalaking “singit-budget” na tinawag niyang “unprecedented.” Mabuti na lamang aniya at nakalagay ang mga ito sa kategoryang for later release (FLR) o hindi pa nailalabas ang pondo.

Bagama’t walang partikular na pinangalanan, iniulat na ni Lacson kay Senate President Tito Sotto ang naturang listahan at patuloy pa rin umano itong kanyang pinag-aaralan.

Naniniwala si Lacson na “divine intervention” ang pagkakasunud-sunod ng mga bagyong Crising, Dante at Emong, dahil nagbunsod ito sa pagbubunyag ng umano’y anomalya sa mga flood control project na kalaunan ay binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA).

“Hindi na rin aniya sana nangyari ang mga ganitong anomalya kung mismong ang mga mambabatas ay nag-self restraint o nabawasan ang kanilang ‘greed’ dahil tila nawili na rin umano sila,” ayon kay Lacson.

Samantala, ipinag-utos naman ni Pangulong Marcos ang paglilipat ng P255.5 bilyong pondo na orihinal na nakalaan para sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) patungo sa mga prayoridad na programa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

“Kaya’t itinigil ko lahat ‘yan para matiyak natin na tama naman ang paggamit ng pera ninyo dahil pera ninyo ito,” ani Marcos sa kanyang pagbisita sa San Fernando City, La Union. “Hindi pera ng gobyerno ito, pera ng taong-bayan ito. Kaya’t tinitiyak natin na tama ang gawa.”

Naitala na bumaba ang proposed 2026 budget ng DPWH sa P625 bilyon mula sa P881 bilyon matapos alisin ang P255 bilyong nakalaan para sa flood control.

Batay sa ulat ng Presidential Communications Office (PCO), ang naturang pondo ay ililipat sa mga sumusunod na programa:

  • P36 bilyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 4Ps, AICS, PAMANA at SLP;
  • P26.55 bilyon sa Department of Education (DepEd) para sa konstruksiyon at rehabilitasyon ng mga silid-aralan, feeding programs at ARAL program;
  • P39.37 bilyon sa Department of Agriculture (DA) para sa post-harvest facilities, tulong sa mangingisda at magsasaka, crop insurance at fishport construction;
  • P29.28 bilyon sa Department of Health (DOH) para sa Medical Assistance Program, legacy hospitals at gamutan sa cancer sa mga bata;
  • P60 bilyon sa PhilHealth para sa Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP), BUCAS Centers at outpatient medication;
  • P9.3 bilyon sa Commission on Higher Education (CHED);
  • P1 bilyon sa TESDA;
  • P450 milyon para sa Philippine Science High School System;
  • P1 bilyon sa Department of Transportation (DOTr) para sa rehabilitasyon ng MRT;
  • P18 bilyon sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa TUPAD at iba pang employment programs; at
  • P600 milyon sa Department of Agrarian Reform (DAR) para sa development at land tenure security programs.
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.