MAYNILA. Ibinunyag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na may mahigit P51.2 bilyong halaga ng kahina-hinalang flood control projects ang nakapasok sa panukalang 2026 National Expenditure Program (NEP).
Ayon kay Lacson, nadiskubre ng kanyang tanggapan na ilalaan ang pondo para sa flood management programs sa Metro Manila at Regions 1, 2 at 3, kabilang ang Bulacan. Giit niya, marami sa mga proyektong ito ay walang malinaw na detalye at maaaring magresulta sa ghost projects.
Nagkasundo si Lacson at Senate finance committee chairman Sherwin Gatchalian na alisin ang mga “malabong” budget items at i-realign ang pondo sa mas makabuluhang programa, alinsunod sa Philippine Medium-Term Development Plan.
Kabilang sa mga tinukoy ni Lacson ay 88 items na tig-P150 milyon bawat isa (P13.2 bilyon), 373 items na tig-P100 milyon bawat isa (P37.3 bilyon), at 11 items na tig-P120 milyon bawat isa (P1.32 bilyon). Tinawag niya itong “distinct” o coded budget na tila nagpapakita ng pabor sa ilang kontratista.
Ibinunyag din ng senador na isang kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang umano’y tumatawag sa ilang mambabatas upang magsingit ng proyekto sa NEP. Halimbawa, sinabi niyang tumanggi si Senate minority leader Vicente Sotto III sa alok na magsumite ng proyekto para sa insertion.
Dagdag pa ni Lacson, ang paulit-ulit na insertions mula sa NEP hanggang sa bicameral conference committee ay nagdudulot ng “quadruple whammy” sa taumbayan.
Sinabi naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na makikipag-ugnayan siya kay DPWH Secretary Vince Dizon upang linawin ang isyu.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





