MAYNILA — Inihayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na magbibitiw siya bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee matapos lumabas ang pagdududa at pagkadismaya ng ilang kasamahan sa Senado hinggil sa paraan ng kanyang pamumuno sa imbestigasyon sa mga umano’y maanomalyang flood control projects.
“Since all chairpersons of the Senate committees are elected by our peers, I serve at the pleasure of my colleagues, particularly the members of the majority. Rightly or wrongly, when quite a number of them have expressed disappointment over how I’m handling the flood control project anomalies, I thought it’s time for me to step aside in favor of another member who they think can handle the committee better,” ani Lacson.
Dagdag pa ng senador, bagaman at siya ay magbitiw, mananatili ang kanyang paninindigan laban sa katiwalian.
“No amount of criticisms from misinformed netizens and partisan sectors can distract or pressure me from doing my job right, but when my own peers start expressing their group or individual sentiments, maybe it is best to vacate. Nevertheless, I will continue to fight a corrupt and rotten system in the misuse and abuse of public funds as I have consistently done in the course of my long years in public service,” pahayag niya.
Sa panayam sa DZBB, sinabi ni Lacson na inihahanda na niya ang kanyang liham ng pagbibitiw at maaaring ihayag ito sa plenaryo kapag ipinagpatuloy ng Senado ang sesyon.
“Kung nagkukulang na ng pagtitiwala ang aking kasamahan, especially kung marami sa kanila, hindi na masaya sa pagha-handle ko sa blue ribbon, naisip ko na maybe stepping down is an option,” ani Lacson.
Binatikos din ng senador ang mga “fake news” at maling impormasyon na ipinakalat umano ng ilang grupo, kabilang ang akusasyong pinupuntirya niya ang ilang kapwa senador habang pinoprotektahan naman ang mga dating miyembro ng Kamara na sina dating Speaker Martin Romualdez at dating Rep. Elizaldy Co, na itinuturing na “masterminds” sa isyu ng flood control projects.
“Kung ako tatanungin, siyempre sasabihin ko maayos ang aking pag-handle dangan nga lang laging may gumugulo. Di pa nagsisimula ang pagdinig, pagkatapos ng call to order, may nanggugulo. So doon nagkakaroon ng perception na hindi maganda ang pag-handle,” aniya.
Nauna rito, inanunsiyo ni Lacson noong Sabado na sinuspinde muna ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa flood control projects dahil hindi pa kumpleto ang mga dokumento para sa susunod na pagdinig.
Samantala, sinabi ni Sen. Imee Marcos na ilang senador ang naguguluhan dahil may napagkasunduan umano na hindi na magdaraos ng panibagong pagdinig, at sa halip ay maglalabas na lamang ng partial report.
Tugon ni Lacson, dapat ay dumalo si Marcos sa mga pagdinig ng komite upang maiwasan ang kalituhan.
“Nananatiling suspended until further notice kasi hindi natin alam kung kailan magkakaroon ng puwang para sa susunod na pagdinig,” ani Lacson.
“Dahil sa mga naririnig ko na pahiwatig ng aking mga kasamahan eh isa sa mga konsiderasyon ko, mag-move o mag-submit na lang ng aking resignation bilang chairperson at humanap sila ng ibang puwede mag-chairman ng Blue Ribbon Committee,” dagdag niya.
Ayon naman kay Sen. JV Ejercito, siya at apat pang senador ay nag iisip na umalis sa majority bloc dahil sa paraan ng pagsasagawa ng pagdinig sa nasabing isyu.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






