MAYNILA. Tiniyak ni Senate President Pro-Tempore at incoming Blue Ribbon Committee chairman Panfilo Lacson na hihigpitan ang imbestigasyon sa mga umano’y anomalya sa flood control projects sa pamamagitan ng masusing paghingi ng resibo at ebidensya mula sa mga resource persons.
Sa kanyang pahayag nitong Martes, sinabi ni Lacson na kabilang sa saklaw ng imbestigasyon ang lahat ng substandard at ghost flood control projects na nadawit sa korapsyon.
“Unang una, resibo ang hahanapin ko. Di pwedeng say-so, di pwedeng maski sino ang ituro ay hook, line and sinker, yun na yun. Siyempre hanapin mo ng pruweba. Kasi ako mahilig ako sa resibo eh. Pagka ako, sa privilege speech ko, hindi po pwedeng basta sasabihin ko lang na bali-balita lamang o sabi-sabi ng kung sino. Kailan tingnan mo, teka muna, anong magbaback-up dyan na ebidensya na totoo yan?” ani Lacson.
Dagdag niya, bubusisiin din ang mga umano’y ledger at voucher na naglalaman ng mga halagang ibinigay sa ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga mambabatas. Binanggit niyang tututukan niya ang mga testimonya ng mga nag-akusa, kabilang sina Pacifico at Cezarah Discaya, upang maiwasan ang “selective” na pagsasabi ng impormasyon.
Sinabi ni Lacson na magsisimula siya kung saan natigil ang naunang mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee hinggil sa flood control anomalies.
Tiniyak din niya na hindi magkakaroon ng sagupaan sa magiging imbestigasyon ng bubuuing independent commission ng Malacañang, dahil ang Senado ay kikilos “in aid of legislation.”
“Wala. Magkahiwalay yan… Pero kung meron kaming makalap kaming evidence doon ipapasa namin sa independent commission. Nag-usap kami ni DPWH Sec. Vince Dizon diyan,” ani Lacson sa DZXL.
Ayon pa sa kanya, nabigyan na niya si Dizon ng ilang ebidensya mula sa kanyang unang privilege speech at muli siyang maghahain ng dagdag na dokumento matapos ang kanyang ikalawang talumpati.
Ex-DPWH engineer naglabas ng larawan ng salansan ng pera
Samantala, iprinisinta ng dating DPWH engineer na si Brice Hernandez ang mga larawan ng umano’y salansan ng pera na kaugnay ng flood control projects.
Ayon kay Hernandez, kuha ang mga larawan noong 2022 hanggang 2023 sa Bulacan 1st District Engineering Office.
“Ako po ang nag-picture nito kasi diyan lang po ako nakakita ng ganyan karaming pera,” aniya.
Sinabi rin niya na ang lalaking nakasuot ng asul na polo sa isa sa mga larawan ay si Henry Alcantara, dating inhinyero ng DPWH Bulacan 1st District, na umano’y kasama niya sa tanggapan.
Dagdag ni Hernandez, ang perang nakunan sa opisina at maging sa kanilang “tambayan” ay hindi pag-aari ni Alcantara kundi nakalaan para sa mga “proponent” ng proyekto.
“As far as my knowledge is concerned, ibibigay po iyan sa tao, yun nga pong tinatawag na proponent na kausap niya,” paliwanag niya.
Ngunit nilinaw ni Hernandez na hindi na niya matandaan kung kanino inihatid ang pera. Dagdag pa niya, “Sa office po namin, normal po iyan.”
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






