Lacson nilinaw na hindi pa absuwelto sina Estrada at Villanueva sa isyu ng budget insertions

0
380

MAYNILA. Nilinaw ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Senador Panfilo “Ping” Lacson na hindi pa abswelto sina Senador Jinggoy Estrada at Senador Joel Villanueva sa isyu ng umano’y anomalya sa budget insertions kaugnay ng flood control projects sa Bulacan.

Sa kanyang tugon sa isang post sa X (dating Twitter) nitong Huwebes ng gabi, sinabi ni Lacson na ang pagpayag ng dalawang senador na humarap sa kanilang mga akusador ay hindi nangangahulugang absuwelto na sila.

“By any measure, Senators Villanueva and Estrada have not been cleared, at least on the issue of budget insertions involving infrastructure projects in Bulacan worth P600M and P355M respectively, as alleged by Engr Brice Hernandez,” ani Lacson.

Sa pagdinig ng Senado nitong Huwebes, sinabi ni Lacson na ang P600 milyon na nakalaan para umano sa flood control projects sa Bulacan ay natagpuan sa Unprogrammed Fund sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA), na unang iniuugnay ni Hernandez kay Villanueva. Mariin naman itong itinanggi ng senador.

Ipinakita rin ni Villanueva sa pagdinig kung paano maaaring baguhin ang metadata ng mga larawan mula sa mobile phone upang makabuo ng maling naratibo. Dagdag ni Lacson, ang nasabing P600 milyon ay mula sa mga dokumentong isinumite ni Senador Sherwin Gatchalian na kasama sa presentasyon.

Ayon kay Hernandez, nagmula sa unprogrammed funds ng 2023 GAA ang umano’y flood control projects na iniuugnay kay Villanueva. “There are seven to eight items worth P75 million each, exactly P600 million,” ani Lacson, sabay puna kay Hernandez na may “selective memory” dahil hindi nito nasasagot ang ibang tanong ng senador.

“I’m telling you, hindi pwedeng selective dito. Pag nangako kang magsasabi ng totoo sabihin mo di lang kung convenient,” ani Lacson kay Hernandez.

Samantala, sinabi ni Lacson na natukoy ng kanyang opisina sa regular budget ng 2025 GAA ang P355 milyon na halaga ng mga proyektong pang-imprastraktura sa Bulacan na iniuugnay naman kay Estrada. Tulad ni Villanueva, itinanggi rin ito ni Estrada.

Nagpahayag na rin ang dalawang senador ng kanilang kahandaang lumagda ng waiver upang mabuksan at masuri ang kanilang bank accounts sa gitna ng imbestigasyon.

Sa hiwalay na post sa X, iginiit ni Lacson na pinayagan niyang makibahagi sina Estrada at Villanueva sa pagdinig bilang bahagi ng kanilang pangunahing karapatang humarap sa kanilang mga akusador.

“It is a person’s basic right to confront his accuser. In case you didn’t notice, I did not clear the two senators on the issue of budget insertions [because] the budget books validate Brice Hernandez’s allegations based on my own staff’s research, at least in the case of Sen Estrada,” ani Lacson.

Dagdag pa niya: “Every person, ordinary or senator, has equal rights. I actually consulted my legal staff before making that decision to allow them. On the other hand, the two senators have not been cleared of the budget insertions under the 2023 and 2025 GAA’s. I made that very clear today.”

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.