Lady caretaker ng resort, itinumba sa kubo

0
284

SARIAYA, Quezon. Pinagbabaril hanggang mapatay ng riding-in-tandem ang isang babaeng caretaker ng isang beach resort habang siya ay nasa loob ng kubo sa Sitio Silangan, Brgy. Guisguis Talon, kamakalawa ng hapon.

Ang biktima na tinamaan ng mga bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Aiza Magboo, 34 taong gulang, may-asawa, at residente ng Sitio Paraiso sa nasabing barangay.

Ayon sa imbestigasyon ni Master Sgt. Gerardo Eballa, opisyal sa kaso, ang biktima ay nakatayo sa loob ng isang kubo sa Beneraza Beach Resort bandang 5:20 ng hapon nang biglang dumating ang isang hindi pa nakikilalang lalaki at pinaulanan siya ng bala na agad nitong ikinamatay.

Pagkatapos ng krimen, agad na sumakay ang mga salarin sa isang kulay gray na Suzuki motorcycle na minamaneho ng isa pang kasama at tumakas patungo sa direksyon ng Eco-Tourism Road sa bayan ng Candelaria.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo sa pamamaslang sa biktima.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.