Lady pilot ni Willie Revillame, patay sa pagbagsak ng helicopter sa Nueva Ecija

0
69

GUIMBA, NUEVA ECIJA. Patay ang isang babaeng piloto matapos bumagsak ang helicopter na kanyang pinalilipad sa Barangay San Miguel, Guimba, Nueva Ecija noong hapon ng Sabado, Pebrero 3.

Kinilala ang biktima bilang si Julia Flori Monzon Po, 25 anyos, residente ng Marina Bay Homes, Asia World, Parañaque City. Ayon sa ulat ni LtCol George Calauad Jr., hepe ng Guimba Police, natagpuan ang katawan ni Po sa crash site matapos ang agarang rescue operation.

Batay sa imbestigasyon, ang Robinson helicopter na may body number RP-C3424 ay lumipad mula Baguio patungong Maynila. Bago nito, lumapag ito sa Binalonan, Pangasinan upang mag-refuel bandang 12:05 ng tanghali. Subalit, iniulat na nagkaproblema ito sa pag-start bago tuluyang nakalipad bandang 4:25 ng hapon.

Dakong 5:20 ng hapon, nakatanggap ang Guimba Police Station ng ulat mula sa isang concerned citizen hinggil sa pagbagsak ng isang helicopter sa Sitio Arimung-mong, Barangay San Miguel. Nang dumating ang mga awtoridad, nakita nilang nakalubog ang bahagi ng helicopter sa isang creek na may lalim na hanggang dibdib.

Si Po ay matagal nang piloto ng sikat na TV host na si Willie Revillame, na agad na nagtungo sa HM Mina Funeral Services sa Pacac, Guimba upang bisitahin ang labi ng kanyang personal na piloto. Inaasahang ililipat ang mga labi ni Po sa Heritage Park sa Parañaque.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong dahilan ng pagbagsak ng helicopter.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.