Laguna Comelec sumugod sa compound ni Mayor Mercado

0
387

SAN PEDRO CITY, Laguna. Dala ng mga ulat ng vote buying, masusing sinuyod ng Commission on Elections (Comelec) sa Laguna ang compound ni Mayor Art Mercado sa Silver Star Bus terminal, Brgy. San Antonio, San Pedro kahapon, bisperas ng araw ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.

Ayon kay Laguna Comelec Atty. Patrick Enaje, galing sa mga mamamayan ng nabanggit na lungsod ang mga sumbong at impormasyon na may mga isinasagawang vote buying sa nasabing compound, kaya’t agad nilang pinuntahan ito upang imbestigahan.

“What we did ay pina-verify namin sa mga pulis at pina-surveillance, at upon checking ay meron nga daw mga pila, kaya lang hindi namin ma-determine kung nandoon sa loob ng compound dahil medyo malaki ito dahil isa itong terminal,” ayon sa pahayag ni Atty. Enaje.

Sa kabila ng limitasyon ng kanilang imbestigasyon, aniya ay hindi pinapabayaan ng Laguna Comelec ang mga posibleng paglabag sa election laws. “Di naman namin pwedeng pasukin isa isa pero may mga nakita kaming tao pero wala kaming nakitang nag abutan ng pera kung kaya hiningian na lang namin ng impormasyon ang tao na nandoon,” dagdag pa ni Atty. Enaje,

Binigyang diin din niya na ang mga taong mapapatunayang sangkot sa massive vote buying ay maaaring sampahan ng mga kasong may kaugnayan sa electoral fraud, at sakaling manalo ang mga kandidatong ganito ay hindi nila ito papanumpaing opisyal.

Habang nagpapatuloy ang pagsusuri ng Laguna Comelec, patuloy din ang kanilang pangako na itaguyod ang integridad at katarungan sa eleksyon. Hinihikayat din ang mga mamamayan na mag-ulat ng anumang uri ng irregularidad sa halalan upang masiguro ang malinis at makatarungan na eleksyon para sa lahat.

Sa ngayon, nananatiling bukas ang pagsusuri ukol sa ulat ng vote buying sa compound ni Mayor Mercado, at inaasahan ang masusing pag-aaral ng mga ebidensya upang mapanagot ang mga taong may kinalaman dito.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.