Lalaki, haharap sa attempted murder, RA 7610 matapos mamaril ng mga binatilyong prankster sa Lipa City

0
244


Lipa City, Batangas — Nahaharap sa seryosong mga reklamo ang isang lalaki matapos nitong pagbarilin ang sasakyan ng anim na Grade 12 students sa Barangay Marauoy, Lipa City, Batangas bandang 2:30 ng madaling araw nitong Lunes, Enero 26, 2026, ayon sa opisyal na ulat ng Batangas Police Provincial Office.

Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, ang mga estudyante ay nasa isang Toyota Vios at naghihintay sa isang kaklase sa lugar nang pindutin ng isa sa kanila ang doorbell ng tahanan ng suspek. Dahialn umano upang ang suspek ay nagalit at maglabas ng baril at putukan ang sasakyan ng mga binatilyo habang ito’y paalis na sa lugar. Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.

Agad isinumbong ng mga estudyante ang insidente sa kanilang mga magulang, na agad namang nag-report sa Lipa Component City Police Station. Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya, naaresto ang suspek at nakumpiska mula sa kaniya ang isang Optimus Custom caliber .45 pistol at isang magazine na may dalawang live na bala bilang ebidensya.

Sa ngayon, ang suspek ay nasa kustodiya ng Lipa CCPS at inaasahang sasampahan ng kasong attempted murder at paglabag sa Republic Act No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, dahil ang ilan sa mga biktima ay menor de edad.

Pinuna ng kapulisan ang marahas na paggamit ng baril at iginiit na hindi dapat solusyon ang karahasan sa mga simpleng hindi pagkakaunawaan. “Tinitiyak ng Batangas Police na ang mga responsable sa ganitong uri ng karahasan ay haharap sa batas at pananagutin sa korte,” ayon sa pahayag ng mga awtoridad.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento upang maisampa ang mga kaso laban sa suspek sa korte.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.