BALIWAG, Bulacan — Nasawi ang isang lalaki ang nasawi matapos tamaan ng ligaw na bala sa leeg habang nakaupo sa ilalim ng puno ng mangga sa kasagsagan ng pagsalubong sa Bagong Taon ng 2026 sa Barangay Pinagbarilan, ayon sa ulat ng pulisya. Batay sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Jayson San Pedro, hepe ng Baliwag Police, bigla na lamang bumulagta ang biktima habang nagdiriwang ng New Year’s Eve kasama ang iba pang residente.
“Nakaupo po siya sa ilalim ng mangga at nagsi-celebrate ng New Year’s Eve nang bigla na lamang siyang bumagsak,” pahayag ni San Pedro.
Sa isinagawang imbestigasyon, natunton ng mga awtoridad ang pinanggalingan ng putok ng baril matapos makarekober ng hindi bababa sa 10 basyo ng bala sa harap ng isang bahay. Lumabas sa pagsusuri na ang mga basyo ay mula sa 9mm at .22 caliber na baril. Isang barangay kagawad ang dinakip matapos kusang isuko sa pulisya ang dalawang rehistradong baril na umano’y ginamit sa insidente.
“According to him, he just pointed yung gun niya sa sapa, yung irrigation canal in front of their house,” ayon kay San Pedro. Tumanggi namang magbigay ng pahayag sa harap ng kamera ang suspek habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan sa pagkamatay ng biktima.
Sa hiwalay na insidente, isang 48-anyos na empleyado ng Local Government Unit ang inaresto matapos umanong magpaputok ng baril habang nagdiriwang ng Bagong Taon sa Cabanatuan City, Nueva Ecija. Batay sa ulat, nakikipag-inuman umano ang suspek sa mga kamag-anak nang bigla itong mawala at makalipas ang ilang sandali ay may narinig na sunod-sunod na putok ng baril sa lugar.
Narekober ng pulisya ang isang 9mm Glock 17 pistol na may natitirang dalawang bala, gayundin ang 11 basyo ng bala sa pinangyarihan ng insidente. Pansamantalang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanya.
Ayon sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, mahigpit na ipinagbabawal ang indiscriminate firing o walang pakundangang pagpapaputok ng baril sa anumang okasyon, kabilang ang pagsalubong sa Bagong Taon, dahil wala umanong kontrol ang babagsakan ng bala na maaaring magdulot ng kamatayan o malubhang pinsala, nalalagay sa panganib ang buhay ng mga sibilyan lalo na ang mga bata at matatanda, at nilalabag nito ang kondisyon ng lisensiya sa pagmamay-ari at pagdadala ng baril.
Taun-taon ay naglalabas ang Philippine National Police ng mahigpit na babala at nagpapatupad ng mga operasyon laban sa indiscriminate firing tuwing Kapaskuhan at Bagong Taon, at ang sinumang mapatunayang lumabag ay maaaring makasuhan at makulong bukod pa sa pagkansela ng kanilang lisensiya sa baril. Patuloy namang nananawagan ang pulisya sa publiko na makiisa sa ligtas at mapayapang pagdiriwang ng Bagong Taon at iwasan ang anumang uri ng pagpapaputok ng baril.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





