SAN PABLO CITY, Laguna. Patay ang isang hinihinalang hitman matapos siyang makipagbarilan sa mga pulis na rumesponde sa isang insidente ng pamamaril kahapon ng tanghali sa isang law office sa Mabini Street, sa lungsod na ito.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang insidente bandang 11:25 ng tanghali, kung saan pumasok sa opisina ni Atty. Alfredo Lao Belen ang dalawang indibidwal na itinuturing na mga hitman at agad na pinagbabaril ang kanilang biktima hanggang ito’y mapatay. Ang nasawing biktima ay natukoy na si Joseph Raymond Bacani Fang, 43-anyos na residente ng Sitio Duncan, Brgy. Tabun, Mabalacat City, Pampanga.
Dahil malapit lamang lugar na pinangyarihan ng krimen sa istasyon ng pulisya, agad na rumesponde ang mga awtoridad ng San Pablo subalit sila ay sinalubong ng putok ng baril ng isa sa mga suspek. Ayon kay Col. Zaldivar, hepe ng San Pablo City Police Station, hinabol ng mga pulis ang suspek at gumanti ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng hinihinalang hitman na kinilalang si Rodrigo Villena Manalo, 42-anyos, isang tricycle driver at dating barangay kagawad na residente ng Brgy. 2B sa San Pablo City.
Nakatakas ang sugatang kasama sakay ng isang motorsiklo at nagtungo sa San Pablo Medical Hospital, ngunit agad din itong naaresto matapos ipagbigay-alam ng nasabing ospital na mayroon silang pasyenteng may tama ng bala.
Ang pangalawang suspek na hitman ay kinilalang si Christopher Grade, 34-anyos at residente ng Brgy. 2A, San Pablo City. Kasalukuyang siyang nasa ilalim ng hospital arrest habang ginagamot ang kanyang mga sugat.
Dadalo sana sa court hearing sa San Pablo Regional Trial Court si Fang hinggil sa kasong adultery na isinampa niya laban sa kanyang asawa.
Sa ngayon, patuloy pa ring iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa pagpatay kay Fang habang sinusuri din ang posibilidad na may kaugnayan ang insidente sa isang love triangle.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.