Sta. Cruz, Laguna. Napakiusapan na na tumulong sa pagluluto si Diolando Banayad sa bahay ni Maximino Vallano Oribiada para sa isang birthday party ngunit ng papauwi na siya ay pinukpok siya nito ng kahoy sa ulo at sinundan ng isang pang pukpok sa ulo ng bote ng beer ng isa nitong kapatid na naging sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Ayon sa paunang imbestigasyon ni PLTCOL Garry Alegre, hepe ng San Pablo City Police Office, bandang 4:00 ng hapon noong Mayo 29 naganap ang krimen sa Brgy. San Gregorio, San Pablo City. Nasaksihan ng kapatid ng biktima na si Beverly Banayad Constantino ang mga pangyayari.
“Nang magpaalam ang biktima na uuwi na ay kumuha ng pamalong kahoy Si Maximino Oribiada at hinampas sa ulo ang biktimang si Diolando Banayad. Sinundan naman ni Ryan Vallano Oribiada, kapatid ng unang suspect, ng paghahampas din sa ulo ng biktima gamit ang bote ng beer. Ang biktima ay nagtamo ng head injury na naging dahilan ng kanyang pagkamatay,” ayon sa report ni Alegre sa Laguna Police Provincial Office.
Bandang 7:20 ng gabi ding iyon ay inaresto ng mga tauhan ni Alegre ang magjapatid na suspek na kinilalang sina Maximino Vallano Oribiada, 34 anyos na mananahi at residente ng Brgy. San Gregorio, San Pablo City at ang kapatid nitong si Ryan Vallano Oribiada, 25 anyos na laborer at residente ng Brgy.Sinipian, Nagcarlan, Laguna.
Nasa custodial facility ng San Pablo CPS ang mga suspect habang isinasaayos kasong murder na isasampa laban sa kanila, ayon sa report ni Laguna Police Provincial Director Police Colonel P/Col Cecilio R. Ison Jr. kay PRO-CALABARZON Regional Director Police Brigadier General PBGen Antonio Candido Yarra.
Kevin Pamatmat
Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.