Lalaki, pinatay sa Quezon dahil sa maingay na tambutso

0
516

TIAONG, Quezon. Binaril at napatay ang isang 40 anyos na tindero ng prutas sa gitna ng kalsada sa bayang ito dahil sa maingay na tambutso ng kanyang tricycle.

Ang pangunahing suspek sa krimen, na dati ng may galit sa biktima dahil sa maingay umano ang tambutso ng tricycle nito, ay kasalukuyang nasa kustodiya ng awtoridad.

Ayon sa ulat ng Tiaong Municipal Police Station, kinikilala ang biktima na si Christopher Magbayao na tinambangan sa Barangay Lalig.

Si Magbayao ay maghahatid sana ng rambutan nang biglang pagbabarilin sa ulo at katawan niya ng suspek na kinilalang si Ryan dela Rosa.

Natukoy ang suspek sa krimen na si dela Rosa matapos siyang makita sa CCTV camera habang sakay ng motorsiklo, ilang sandali matapos ang insidente ng pamamaril.

Sa imbestigasyon ng pulisya, natuklasan na magkapitbahay ang dalawa, at matagal nang naiinis ang suspek sa ingay na nagmumula sa tricycle ng biktima.

“Sa gitna ng kanilang pag-iinuman kasama ang mga pinsan ng suspek, dumating ang biktima, sakay ng tricycle, at maingay na nagpa-bomba ng tambutso. Ayon sa pahayag ng suspek, hindi niya ito matiis kaya’t hinabol niya ito,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Marlon Cabatana, ang hepe ng Tiaong Police Station.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek sa media, ngunit iniulat ng pulisya na umano’y inamin nito ang krimen na kanyang isinagawa.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.