Lalaking naniningil ng utang, binaril ng lasing na may utang

0
207

GMA, Cavite. Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin ng isang lasing na suspek kanyang sinisingil sa Barangay Dacon sa General Mariano Alvarez (GMA), Cavite.

Kinilala ang biktima sa alyas na “Tony”, 48-anyos at residente ng Barangay Tirona, GMA, Cavite. Ayon sa mga ulat ng pulisya, nangyari ang insidente bandangalas-10:50 ng gabi habang nasa lamay ng isa sa mga residente ng nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon, dumating sa lamay ang suspek na kasama ang kanyang pamilya upang makiramay. Subalit nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at ang biktima, na diumano ay lasing ng siya ay singilin ng biktima sa kanyang utang.

Dahil sa nakakainit na pagtatalo, nagalit ang suspek at agad na kinuha ang kanyang baril, na pagkatapos ay pinagbabaril ang biktima. Tumakas ang may utang kasama ang kanyang pamilya sa isang Toyota Revo SUV na may plate number NCN 6183.

Isinugod ang biktima sa pinakamalapit na ospital upang magamot ang kanyang mga sugat. Gayunpaman, dahil sa maselang kalagayan ng biktima, ito ay inilipat sa Philippine General Hospital sa Maynila para sa mas mataas na antas ng pangangalaga.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mahuli ang suspek at mabigyan ng hustisya ang biktima ng marahas na insidente sa lamay.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.