Lalaking napabalitang dinukot sa Batangas, inaresto pala, ayon sa militar

0
189

STO. TOMAS CITY, Batangas. Nilinaw ng militar kahapon na ang lalaking napabalitang dinukot sa lungsod na ito ay inaresto ng mga tauhan ng 903rd Infantry Brigade sa bisa ng isang warrant of arrest dahil wanted ito sa tatlong kaso ng murder at sa pagiging miyembro ng New People’s Army.

Ayon kay Police LtCol. Rodel Ban-O, hepe ng Sto. Tomas City Police Station, ang suspek ay nakilalang si Jose Marie Estiller, 41 anyos, tubong Bicol Region at kapatid ng aktibista na nasa kustodiya na ng militar na si Jhen Estiller.

Matatandaan na unang napaulat ang pagdukot kay Estiller na nakunan ng CCTV video sa isang subdibisyon sa Barangay San Pedro habang naglalakad patungo sa inuupahang bahay nito.

Sa kuha ng video, nakita ang tatlong armadong lalaking naka-light blue T-shirt habang hinihila si Estiller pasakay sa isang puting van. Ang naturang insidente ay inireport ng kapatid ni Estiller sa himpilan ng pulisya.

Sa ginawang case conference ng Sto. Tomas city Police, sinabi ni Ban-O na si Estiller ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng 903rd Infantry Brigade sa Castillo, Sorsogon.

Lumalabas sa imbestigasyon na si Estiller ay nahaharap sa tatlong kaso ng murder at isang violation ng R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms Law.

Sinabi naman ni Col. Dennis Cana, public information officer ng Southern Luzon Command, na si Estiller ay dating miyembro ng New People’s Army at nakatakdang sumuko na sana sa Local Government Unit ng Sorsogon.


This news report provides details about the arrest of a man in Batangas who is allegedly involved in multiple crimes and identified as a member of the New People’s Army (NPA).

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.