San Pascual, Batangas. Napatay ng pulis ang isang lalaking nagwala at sumaksak sa kanyang pinsan sa bayang ito.
Ayon sa report ni PCOL Glicerio Cansilao, director ng Batangas Police Provincial Office,nangyari ang insidente noong Sabado ng umaga sa Barangay Ilat North sa nabanggit na bayan.
Ayon sa report ng pulisya, diumano ay sakay ng minamanehong tricycle ang biktima na kinilalang si Ambrocio Axalan, nang harangin siya ng kaniyang pinsan at suspek na si Rolly Axalan, 45-anyos.
Bumaba ng tricycle si Ambrocio para pakiusapan ang suspek na tumabi upang siya ay makadaan ngunit sa halip na sumunod, inundayan siya ng saksak ni Rolly.
Nagkataon naman na sakay ng kaniyang motorsiklo ang papasok na sa trabaho na si Patrolman Jonathan Wee Bacroyang na nakasaksi sa naganap na insidente.
Bumaba ng motorsiklo si Bacroyang upang awatin ang suspek ngunit akmang susugurin din siya ng suspek kung kaya at napilitan siyang barilin na ito.
Parehong dinala sa ospital ang magpinsan ngunit dead on arrival ang suspek dahil sa tama ng bala.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, napag alaman na may mental health problem si Rolly at diumano ay madalas gawin nito ang pang aaway sa kanyang pinsan.
Hindi na magsasampa ng reklamo ang pamilya ng napatay na suspek, ayon pa rin sa report ni Cansilao.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.