LGBTQIA+ special committee itinatag ni Pangulong Marcos Jr. sa ilalim ng Executive Order 51

0
227

Binuo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang Special Committee ukol sa mga isyu ng Lesbian Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex and Asexual (LGBTQIA+), ayon sa ipinalabas na Executive Order 51. Layunin ng naturang komitiba na palakasin ang hakbang laban sa diskriminasyon at bigyan ang LGBTQIA+ community ng aktibong partisipasyon sa pagbuo ng patakaran ng gobyerno.

Sa ilalim ng limang-pahinang EO na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin noong Disyembre 22, itinatag muli ang Diversity and Inclusion Program (DIP) at binuo ang Inter-Agency Committee on Diversity and Inclusion. Ipinahayag din ng Pangulo ang pangangailangan na tiyakin ang patuloy na pagtupad ng bansa sa mga obligasyon nito sa ilalim ng International Covenant on Civil and Political Rights.

Ayon sa Pangulo, ang layunin ng paglikha ng Special Committee on LGBTQIA+ Affairs ang palakasin ang umiiral na mekanismo sa pagsugpo ng diskriminasyon sa LGBTQIA+ community. Nais nitong bigyan ng boses ang komunidad sa proseso ng pagbuo ng mga patakaran ng gobyerno.

Ang reconstituted na Inter-Agency Committee on Diversity and Inclusion ay itatalaga sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang mga Kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang itinalagang co-chair ng Committee, habang ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary ay magiging Vice Chair.

Miyembro rin ng komite ang Department of Education (DepEd) Secretary, mga Kalihim ng Department of Justice (DOJ) at Department of Health (DOH), at mga Chairperson ng Commission on Higher Education (CHED) at Special Committee on LGBTQIA+ Affairs.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang komite ay magpapatuloy sa pagganap ng kanilang tungkulin alinsunod sa umiiral na mandato. Maaaring magbuo, mag-convene, at i-reorganisa ang komite ng sub-committees at/o working groups batay sa mga umiiral na batas, patakaran, at regulasyon.

Samantalang itinatag ang Special Committee on LGBTQIA+ Affairs sa ilalim ng Inter-Agency Committee na may rank na Undersecretary, na binubuo ng tatlong miyembro na may rank na Assistant Secretary. Ang mga miyembro ng naturang komite ay itatalaga ng Pangulo mula sa hanay ng LGBTQIA+ community.

Inaasahang ilalathala ang kopya ng EO sa Official Gazette, kung saan makikita ang mga detalye ukol sa mga tungkulin ng Special Committee on LGBTQIA+ Affairs.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.