Libo-libong OFW, makikinabang sa wage increase sa Taiwan at Hong Kong

0
158

Makikinabang ang libu-libong overseas Filipino workers (OFWs) sa kamakailang inaprubahang kautusan sa pagtaas ng minimum wages sa Taiwan at Hong Kong, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sa isang pahayag, sinabi ng DMW na ipinag-utos ng Taiwan Ministry of Labor (MOL) ang 4.05% na pag-angat sa buwanang minimum salary mula NT$26,400 (P46,378.70) sa NT$27,470 (P48,223.43), na epektibo simula Enero 1, 2024. Bukod dito, itinaas din ang minimum hourly wage mula NT$168 (P295.14) sa NT$183 (P321.48).

Ayon sa datos mula sa MOL noong Oktubre, mayroong 151,562 na Filipino na nagtatrabaho sa Taiwan. Sa nasabing bilang, 123,768 ang nagtatrabaho sa manufacturing at agad na makikinabang ang mga ito sa pagtaas ng sahod. Inaasahan din ng DMW ang pagtanggap ng 17,721 na manggagawa sa nasabing kategorya sa pagtatapos ng taon.

Samantala, sa Hong Kong, magkakaroon din ng taas-sahod ang mga OFW na nagtatrabaho bilang foreign domestic helpers (FDH) o household service worker (HSWs). Ayon sa DMW, ang mga FDH ay tatanggap ng minimum allowable wage (MAW) na HK$4,870 o P38,010.35, na tataas sa HK$140 mula sa dating rate na HK$4,730 o P36,917.65.

Dagdag pa ng Hong Kong Labor Department, itinaas din ang allowable food allowance para sa mga FDH sa HK$1,236 o P9,649.98 mula sa dating rate na HK$1,196 o P9,334.78. Ngunit ang mga pagtaas na ito ay applicable lamang sa mga bagong kontrata ng FDH na nilagdaan noon o pagkatapos ng Setyembre 30, 2023, ayon sa DMW.

Sa ulat mula sa Migrant Workers Office sa Hong Kong (MWO-HK), noong Agosto 2023, mayroong 196,364 na OFW na nagtatrabaho bilang HSW o FDH sa Hong Kong.

Ang mga pagtaas ng sahod sa Taiwan at Hong Kong ay inaasahang magdudulot ng mas magandang kinabukasan para sa libu-libong OFWs, na nag-aambag ng malaking bahagi sa ekonomiya ng Pilipinas.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.