Libong bahay nasunog sa Cavite

0
105

CAVITE CITY. Nawalan ng tirahan ang libong pamilya matapos sumiklab ang malaking sunog na tumupok sa libong kabahayan sa dalawang barangay sa Cavite City, kamakalawa.

Ayon sa ulat ng pulisya, umabot sa ikaapat na alarma ang sunog na labis na nakaapekto sa libu-libong residente ng Barangay 5 at Barangay 7, pasado alas-3:00 ng hapon nitong Linggo.

Halos walang naisalbang gamit ang mga residente habang aabot sa mahigit kumulang 1,000 kabahayan ang natupok ng apoy na nagsimula umano sa isang bahay sa Barangay 7.

Idineklarang fire under control ang sunog bandang alas-4:58 ng hapon bago tuluyang idineklarang fire out ng Bureau of Fire Protection (BFP) ground command dakong alas-5:54 ng hapon.

Umabot sa 100 fire trucks mula sa iba’t ibang lugar ang tumulong sa pag-apula ng apoy, kasama ang mga fire volunteer at chopper na sumasalok ng tubig sa dagat at ibinubuhos sa mga nasusunog na kabahayan.

Wala namang naiulat na nasawi sa sunog habang patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang sanhi at halaga ng pinsala nito.

Dahil sa malaking sunog, nagdulot ito ng matinding trapik sa lugar na agad namang nirespondehan ng mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office at local authorities para umasiste sa trapiko.

Hindi pa batid ng awtoridad ang sanhi ng sunog, ngunit isang hindi pa kumpirmadong ulat ang nagsasabing nag-umpisa ito dahil sa ginagawang pagwe-welding ng isang residente.

Ang mga apektadong pamilya ay pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers sa Dalahican at Sta. Cruz Elementary School.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.