Libreng college entrance exam sa mahihirap, batas na

0
155

MAYNILA. Isang bagong batas na naglalayong gawing libre ang college entrance examination sa mga pribadong higher education institutions (HEIs) para sa mga kuwalipikadong estudyante ang tuluyan nang naging batas matapos itong mag-“lapse into law,” ayon sa Malacañang.

Ang Republic Act No. 12006, na kilala rin bilang ‘Free College Entrance Examination Act,’ ay naglalayon na pagaanin ang tertiary education para sa mga kapuspalad ngunit matatalinong mag-aaral. Sa ilalim ng batas na ito, ang mga estudyante mula sa pamilyang hindi kayang tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at kabilang sa top 10% ng kanilang graduating class ay hindi na sisingilin ng entrance examination fees at charges para sa college admission.

Ayon sa bagong batas, lahat ng private HEIs ay inaatasang huwag maningil ng naturang fees at charges sa mga graduates at graduating students na nag-aaplay para sa college admission. Ang batas na ito ay eksklusibo para sa mga natural-born Filipino citizen na kuwalipikadong mag-apply sa alin mang pribadong eskwelahan sa bansa basta’t kumpletuhin nila ang mga kinakailangang requirements.

Inaatasan ang Commission on Higher Education (CHED) na parusahan ang mga pribadong eskwelahan na lalabag sa bagong batas. Pinababalangkas din ang CHED ng Implementing Rules and Regulations (IRR) sa loob ng 60 araw mula nang maging epektibo ang batas. Bukod dito, kinakailangan din makipag-ugnayan ang CHED sa Department of Education (DepEd).

Pinakokonsulta rin ang CHED sa Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines at iba pang mga kahalintulad na institusyon upang masiguro ang maayos na implementasyon ng batas.

Sa ilalim ng Konstitusyon, may 30 araw ang Presidente ng bansa na lagdaan ang batas o i-veto ito. Magiging batas ito kung hindi aaksyunan ng Presidente sa loob ng nasabing panahon.

Ang bagong batas na ito ay isang hakbang tungo sa mas abot-kayang edukasyon para sa lahat, lalo na para sa mga kabataang may kakayahan ngunit kapos sa pinansyal na suporta.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.