Libreng Pabahay at palupa, inilunsad sa bayan ng Bay, Laguna

0
618

Bay, Laguna. Nilagdaan kanina, Marso 21 ang Memorandum of Understanding at idinaos ang groundbreaking ceremony sa pagitan ng pamahalaang lokal ng Bay at Department of Human Settlement and Urban Development para sa libre at murang pabahay sa Balai Bayeños sa Brgy.Dila sa bayan ito.

Ayon kay Mayor Jose Padrid, minarapat niya na magkaloob ng humigit kumulang na 250 units ng lupa sa mga job-order government employees at mga illegal settlers upang makatulong sa kabuhayan ng kanilang pamilya. 

“Bilang isang ama, batid ko po ang pangangailangan ng isang pamilya [sa] isang bahay na masisilungan at higit sa lahat ay isang tahanan kung saan nila bubuuin at aabutin ang kanilang mga pangarap,” ayon sa mensahe ni Padrid.

Nakipag tulungan ang pamahalaang bayan ng Bay sa mga ahensya ng pamahalaan kabilang ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Home Development Mutual Fund o PAG-IBIG Fund, at pamahalaang lalawigan ng Laguna para sa land development, pagpili sa mga magiging benepisyaryo ng mga bahay, at tulong sa pag popondo ng proyekto.

Balak ding itatag sa Balai Bayeños housing community ang isang community facility, plant nursery, basketball court, transportation terminal, at Super Health Center na kumpleto sa mga modernong medical equipment.

Umaasa sila na sa mga susunod na taon ay magkakaroon na ng libreng pabahay bukod sa libreng lupa para sa mga walang kakayahang magbayad ng housing loan.

Nakatakdang simulan ang konstruksyon ng mga bahay ngayong taon.

Author profile
Kevin-Pamatmat
Kevin Pamatmat

Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang  photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.