CALAMBA CITY, Laguna. Iprinisinta kahapon ng umaga sa Camp Vicente Lim, Calamba City, Laguna ang halos 3,000 iba’t ibang uri ng armas na nakumpiska sa serye ng mga operasyon ng pulisya sa Calabarzon, na kinabibilangan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon.
Pinangunahan ni Regional Director PBrig. Gen. Paul Kenneth Lucas ang pagprisinta ng 2,929 na iba’t ibang kalibre ng baril at malalakas na armas na nakuha mula sa sunud-sunod na operasyon ng pulisya. Ang programa ay isinagawa bandang 9:30 ng umaga sa Camp Vicente Lim, kung saan inilatag ang mga nakumpiskang armas mula sa iba’t ibang operasyong isinagawa, kabilang na ang mga Search Warrant operations, checkpoints, Oplan Bakal/Sita, police patrols, at Oplan Katok ng PNP.
Ayon kay Gen. Lucas, ang mga nakumpiskang armas ay bahagi ng kanilang paghahanda para sa nalalapit na national and local midterm election sa 2025 upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.
Ang 2,929 armas ay narekober mula sa kabuuang 60,332 operasyon ng pulisya sa buong Calabarzon mula Enero 1 hanggang Agosto 31, 2024. Kabilang sa mga nakumpiska ay maiiksing baril, mga light weapons, homemade firearms, at high-powered arms. Bukod dito, 612 suspek ang naaresto sa mga nasabing operasyon, kung saan 606 sa kanila ay nasampahan na ng mga kaukulang kaso.
Kevin Pamatmat
Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.