Ligtas kainin ang Tawilis mula Taal Lake, ayon sa BFAR

0
465

LIPA CITY, Batangas. Tiniyak ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ligtas kainin ang tawilis na nahuhuli sa Taal Lake, sa kabila ng mga alegasyon na sa lawang ito itinapon ang mga bangkay ng mga nawawalang sabungero.

Sa panayam ng GMA News, sinabi ni BFAR chief information officer Nazzer Briguera na hindi dapat mangamba ang publiko sa pagkain ng tawilis dahil ito ay isang uri ng small pelagic fish na nananatili sa mababaw na bahagi ng lawa at kumakain lamang ng plankton.

“Wala pong dapat ipangamba kasi unang-una, itong tawilis, small pelagic fish po siya at ang pagkain niya nga po, ‘yung mga planktons na kabilang na diyan ‘yung mga plant-based planktons, at hindi po sila masabi nating carnivorous,” ani Briguera.

Dagdag pa ng BFAR, ang ibang uri ng isda gaya ng tilapia at bangus na pinalalaki sa mga fish pen ay hindi rin basta-basta nakakalangoy sa iba’t ibang bahagi ng lawa, kaya’t hindi rin naaapektuhan ng mga nasabing alegasyon.

Kasunod ito ng pahayag ng isang whistleblower na umano’y itinapon sa Taal Lake ang mga katawan ng mga sabungerong dinukot noong 2021, na naging sanhi ng pangamba ng mga mamimili at pagbaba ng kita ng mga nagtitinda ng isda sa lugar.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo