Ligtas Pinoy Centers Act at Student Loan Moratorium Law, nilagdaan ni PBBM

0
210

MAYNILA. Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Biyernes, Disyembre 6, ang dalawang mahahalagang batas: ang Ligtas Pinoy Centers Act at ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters Emergencies Act, na layuning suportahan ang mga pamilyang apektado ng kalamidad at magbigay ng financial relief sa mga mag-aaral.

Pagtatatag ng Ligtas Pinoy Centers

Ang Ligtas Pinoy Centers Act ay nag-aatas ng pagtatayo ng fully equipped evacuation centers sa bawat rehiyon upang magsilbing ligtas na kanlungan para sa mga apektadong residente ng kalamidad.

“We do not wish for the frequent usage of such facilities and can only pray that we have fewer calamities. But nonetheless, we need to ensure that the evacuation centers sufficiently respond to the needs of our people affected by calamities and other such emergencies,” pahayag ng Pangulo.

Idinagdag pa ni Marcos, “Investing in these climate-resilient facilities must be the norm; for we are not only protecting the people’s lives, but also capacitating our local government units to respond, to reduce, and to manage the risks of disasters.”

Nagkuwento rin si Pangulong Marcos tungkol sa kanyang pagbisita sa mga biktima ng sunog sa Tondo, Maynila, kung saan nakita niya ang tibay ng loob ng mga apektadong residente. “Evacuation centers like these should also be as strong as their faith and as resilient as the people’s resolve,” aniya.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang matagal nang isyu ng paggamit sa mga pampublikong paaralan bilang pansamantalang evacuation centers, na nakakaapekto sa layunin ng mga eskuwelahan para sa edukasyon.

“With the enactment of this law, we heed that appeal and commit to only using our schools for the promotion of our students’ welfare and development of the education system,” paliwanag ni Marcos.

Moratorium sa Student Loans

Samantala, ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act ay naglalayong suspendihin ang koleksyon ng student loans sa panahon ng kalamidad nang walang penalty at interest, na nagbibigay ng mas mahabang panahon sa mga mag-aaral upang makaahon mula sa epekto ng mga sakuna.

“The benevolence of this law allows the disaster-affected students and their families to have a breathing space as they recuperate and rebuild their lives,” ani Marcos.

Inatasan din ng Pangulo ang Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na tiyakin ang sapat na tulong para sa mga estudyante upang hindi maging balakid ang financial hardships sa kanilang edukasyon.

Pinuri ni Marcos ang mga mambabatas na nagtulak ng mga bagong batas, na aniya’y malinaw na testamento ng kanilang dedikasyon sa pangangailangan ng mga Pilipino.

Ang dalawang batas na ito ay patunay ng administrasyon ni Pangulong Marcos sa pagpapalakas ng kahandaan ng bansa sa mga kalamidad at sa pag-aalaga sa kapakanan ng mga estudyante.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo