SANTA ROSA CITY, Laguna. Nagtagumpay ang pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna at ng Department of Trade and Industry (DTI)-Laguna Provincial Office sa pagsasagawa ng First Laguna MSME Summit kamakailan sa Enchanted Kingdom dito.
Pinangunahan ni Laguna Governor Ramil L. Hernandez ang nabanggit na okasyon, kasama si DTI-Region 4A OIC Regional Director Marissa C. Argente.
Kasabay nito ay inilunsad din ang “Likhang Laguna Product Seal,” isang programa ng sertipikasyon para sa mga produktong gawang Laguna.
Ang mga produktong may Likhang Laguna Product Seal ay nagpapakita na ang mga ito ay may mataas na kalidad, ligtas para sa mga mamimili, sustainable, at proudly made in Laguna.
Layunin ng programa nasuportahan at higit pang itaguyod ang mga lokal na produkto ng lalawigan, at hikayatin ang mga mamimili na suportahan ang mga ito.
“Lubos naming pinasasalamatan ang DTI sa kanilang patuloy na pagsuporta at pagpapalakas sa mga lokal na produkto at maliliit na negosyo, partikular na ang mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs),” ayon kay Hernandez.
Ipinakita ng okasyong ito ang dedikasyon ng pamahalaang lokal at DTI na palakasin ang sektor ng MSMEs sa pamamagitan ng pagtutulungan para sa pagsulong ng lokal na ekonomiya at pagpapalakas ng mga produktong gawang-Laguna.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.