Ipinatupad ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda, Jr. ang paglipat ng puwesto ng limang mataas na opisyal bilang bahagi ng reorganisasyon sa Philippine National Police (PNP).
Sa ulat na may petsang Nobyembre 17, inilipat si dating PNP Director for Information and Communication Technology Management (DICTM) Maj. Gen. Bernard Banac bilang bagong Director ng Special Action Force (SAF), pumalit kay Maj. Gen. Rudolph Dimas na itinalaga naman bilang hepe ng Directorate for Plans (DPL).
Ang dating DPL chief na si Brig. Gen. Neil Alinsañgan ay ililipat sa DICTM, samantalang si dating Police Community Affairs and Development Group (PCADG) director Brig. Gen. Lou Evangelista ay itinalaga bilang bagong Police Regional Office (PRO) 1 Director, pumalit kay Brig. Gen. John Chua.
Sa iba pang paglipat, inilagay si PCol. Restituto Arcanghel bilang PCDAG Director, habang si Chua naman ay itinalaga bilang bagong Area Police Command (APC) sa Visayas.
Nilinaw ni Acorda na ang reorganisasyon ay naglalayon lamang ng pagpuno sa mga bakanteng posisyon dulot ng pagreretiro ng ilang opisyal. Hindi aniya layunin ng PNP Chief na magkaruon ng malawakang balasahan maliban na lamang kung kinakailangan dahil sa pagreretiro ng ilang opisyal.
Inaasahan na magreretiro si Acorda sa unang Linggo ng Disyembre ngayong taon, sa pagtuntong niya sa edad na 56. #PNPReorganization #PoliceLeadership #PublicService
Roy Tomandao
Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.