Lingguhang oil price hike, nakaamba sa gitna ng labanan sa Middle East

0
158

MAYNILA — Nagbabala ang Department of Energy (DOE) sa posibilidad ng lingguhang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, kasunod ng patuloy na tensiyon sa Middle East na nakaapekto sa galaw ng pandaigdigang merkado ng langis.

Ayon kay DOE Director Atty. Rino Abad, magsasagawa ang ahensiya ng panibagong pakikipagpulong sa mga kumpanya ng langis ngayong Miyerkules matapos ang biglaang pagsirit ng presyo sa unang trading day pa lamang ng linggo dahil sa kaguluhan sa rehiyon.

Iniulat ni Abad na ang presyo ng gasolina sa Mean of Platts Singapore ay umakyat mula $79.63 kada bariles noong Biyernes tungong $90.32 kada bariles pagsapit ng Lunes. Katumbas ito ng tinatayang P3.00 hanggang P5.00 kada litrong pagtaas sa unang araw pa lamang ng krisis.

“Ang estimate namin around $20 per barrel ang increase sa diesel. Baka umabot ‘yan…baka around P9.00 per liter. (first day). May range naman ‘yan. We’re still hoping na hanggang P6.00 to P9.00, within that range,” pahayag ni Abad.

Samantala, ang kerosene ay tumaas ng mahigit $23 kada bariles, na katumbas ng P7.00 hanggang P10 kada litrong dagdag-presyo.

Ipinaliwanag ng opisyal na tatalakayin sa pulong kasama ang mga local oil players ang kasalukuyang oil price trends at ang magiging epekto nito sa nakatakdang weekly price adjustments.

“Baka magkaroon ng usapin na paano ito hindi maging isahang bagsak sa Tuesday next week,” ani Abad. “Hindi naman puwede hindi natin ipa-recover ito sa mga oil company kasi ito yung magiging presyuhan din ‘pag sila ay nag-replenish ng kanilang oil supply.”

Dagdag pa niya, mas mainam na i-stagger ang implementasyon ng dagdag-presyo upang maikalat o maipantay ang epekto nito sa mga konsyumer. “Dapat i-staggered yung increase kasi malakihan nga para mai-spread out. Sa laki nito baka ang pag-usapan dito ay weekly adjustment na,” aniya.

Hinikayat din ng DOE ang mga motorista na pumili ng mga gasoline station na nag-aalok ng mas mababang presyo, dahil may ilang istasyon na nagbibigay ng P1 hanggang P5 diskuwento kada litro.

Nauna nang nagbabala si Energy Secretary Sharon Garin na maaaring sumirit ang presyo ng langis dahil sa umiigting na sitwasyon sa Middle East, na patuloy na binabantayan ng pamahalaan.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.