Lipa Archbishop inihalal na bagong pangulo ng CBCP

0
493

MAYNILA. Inihalal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) si Lipa Archbishop Gilbert Garcera bilang susunod na pangulo ng samahan, ayon sa anunsyong inilabas nitong Sabado.

Si Garcera, 66, ay opisyal na uupo bilang pangulo ng CBCP simula Disyembre 1, 2025, kapalit ni Cardinal Pablo Virgilio David ng Kalookan, na magtatapos sa kanyang ikalawa at huling termino sa Nobyembre.

Sa kasalukuyan, si Archbishop Garcera ay nagsisilbing regional representative para sa Southeast Luzon sa CBCP Permanent Council. Dati rin siyang naging tagapangulo ng CBCP Commission on Mission at Commission on Family and Life, ayon sa pahayag ng CBCP.

Naordinahang pari si Garcera noong 1983 para sa Archdiocese of Caceres, at itinalaga bilang Obispo ng Daet noong 2007.

Naging aktibo rin siya sa Federation of Asian Bishops’ Conferences, kung saan siya ay nagsilbing chairman ng Office on Laity and Family, at direktor ng Synodal Leadership for Asian Bishops Seminar.

Noong 2014, isa si Garcera sa tatlong obispo mula sa Pilipinas na naging delegado sa Synod on the Family na ginanap sa Vatican.

Ang kanyang malawak na karanasan sa lokal at pandaigdigang simbahan ang inaasahang magiging mahalagang bahagi ng kanyang pamumuno bilang bagong pangulo ng CBCP.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo