Lolo, nag-amok: 4 na kapitbahay pinagsasaksak

0
166

ROSARIO, Cavite. Apat na miyembro ng isang pamilya ang nasa malubhang kalagayan ngayon matapos pasukin at pagsasaksakin ng isang 63 anyos na lalaking kapitbahay sa isang insidenteng naganap sa bayang ito kahapon.

Ang mga nasaktan ay kinilalang sina Nemecio Ong, 75 anyos; kasama ang asawang si Myrna Ong, 67; kanilang apo na si Bryelle, 9 anyos; at si Alex Cortinez, 23 anyos. Silang lahat ay residente ng Brgy. Bagbag 2, Rosario, Cavite.

Ayon sa ulat ng Police Corporal Ivan James Suliba ng Rosario Municipal Police Station, naganap ang insidente bandang 8:10 ng umaga. Habang nasa loob ng kanilang tahanan, bigla na lang pumasok ang suspek na may bitbit na patalim ang suspek at sila ay pinagsasaksak. Hindi nakapagtago o nakatakbo ang mga biktima dahil mabilis ang pag atake ng suspek.

Matapos ang pag-atake, agad na tumakas ang suspek palabas ng bahay, ngunit nasalubong niya ang papasok na si Cortinez na pinagsasaksak din ng suspek.

Agad na rumesponde ang mga kapitbahay at mga opisyal mula sa barangay, at isinugod ang mga nasaktan sa Rosario Maternity and Medical Emergency Clinic.

Ayon sa mga ulat, ilan sa mga biktima ay nasa kritikal na kalagayan kaya’t sila ay inililipat sa iba pang mga ospital para sa mas mataas na antas ng pangangalaga.

Si Rusco Marandec Geraldo Jr., ang 63-anyos na suspek, ay naaresto na ng mga awtoridad at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga pulis upang matukoy ang mga motibo sa likod ng nasabing karahasan.

Author profile
Kevin-Pamatmat
Kevin Pamatmat

Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang  photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.