‘Love scam’ nilansag sa Cavite: Manager arestado, 15 nailigtas

0
270

SILANG, Cavite. Nilansag ng mga awtoridad ang isang kilalang sindikato ng love scam matapos maaresto ang kanilang manager at mailigtas ang 15 na biktima sa isinagawang rescue operation sa Brgy, Pulong Saging, sa bayang ito  kamakailan, ayon sa mga awtoridad kahapon.

Ang manager at utak ng sindikato na dinakip ay kinilalang si Kenchi Suico, isang 26 anyos na binata at residente ng B5 L5, P2 Mahogany Villas, Calamba City, Laguna.

Ayon sa report ni Police Brig. Gen. Redrico Maranan, hepe ng PNP Public Information Office (PIO), nailigtas sa isinagawang raid ang 15 na empleyado na biktima ng serious illegal detention at grave threats.

Ang rescue operation ay isinagawa matapos humingi ng tulong si Rayner Villanueva Sasoy, isa sa mga tauhan ni Suico, sa Silang Municipal Police Station (MPS) sa pamamagitan ng SMS hotline number at chat sa Facebook messenger.

Sa imbestigasyon na isinagawa ni Corporal Menervin Castillo ng Silang Police, ibinahagi ni Sasoy na sila ay illegal na ikinukulong sa isang bahay at pinagbabantaan ng kanilang manager na sasaktan kapag nagsumbong sa mga awtoridad.

Agad na nagkasa ang Silang Police ng rescue operation noong Hulyo 13 ng gabi, sa pakikipagtulungan sa mga opisyal ng Brgy. Pulong Saging.

Nang pasukin ng raiding team ang hideout, nadiskubre nila ang mga biktima na nakakulong sa loob ng bahay na may padlock.

Natagpuan rin ng mga operatiba ng PNP-Anti-Cybercrime Group ang iba’t ibang electronic devices tulad ng mga computer at cellphone na ginagamit sa love scam.

Sa modus operandi na ito, ang sindikato ay nambibiktima ng mga posibleng target sa social media at humihingi ng pera mula sa mga ito matapos maakit sa mga pekeng larawan at mapanlinlang na mga pangako ng pag-ibig ng mga nagpapanggap na gwapo at magagandang foreigners.

Ang mga suspek at mga ebidensya laban sa kanila ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang isinasagawa ang patuloy na imbestigasyon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.