MAYNILA. Ipinahayag ng Department of Health (DOH) na uunahin ang mga indibidwal na may mababang kita sa pagpapatupad ng zero-billing program sa mga ospital ng gobyerno. Layunin ng programang ito na lubos na mabawasan o alisin ang gastusin ng mga pasyente sa pagpapaospital.
Noong Setyembre 13, sa kanyang ika-67 kaarawan, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa DOH na sagutin ang lahat ng gastusin ng mga inpatient, outpatient, at emergency services sa 22 pampublikong ospital sa buong bansa.
Mahigit ₱300 milyon ang inilaan para pondohan ang nasabing programa. Ayon kay Health Undersecretary Domingo, ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na plano ng gobyerno na mabawasan ang out-of-pocket na gastusin ng mga mamamayan pagdating sa kalusugan. Sa kasalukuyan, nasa ₱44 kada ₱100 ang kailangan pang gastusin ng mga Pilipino mula sa sarili nilang bulsa, ngunit target ng gobyerno na pababain ito sa ₱20-₱30 pagsapit ng 2029.
“Dapat ‘yung out of pocket na ₱44, dapat mapababa sa pinakamababa siguro ₱20-₱30. Sa mahihirap, dapat mapababa sa zero,” pahayag ni Domingo.
Ang zero-billing program ay isang hakbang ng pamahalaan upang masiguro na walang Pilipinong magbabayad mula sa sariling bulsa para sa serbisyong medikal, lalo na sa mahihirap na hanay ng lipunan.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo