MAYNILA. Naging tropical depression na ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Lunes ng madaling-araw at pinangalanang Huaning, ayon sa PAGASA.
Sa tropical cyclone bulletin ng weather bureau alas-5 ng umaga, tinukoy ang sentro ng Huaning sa layong 520 kilometro silangan hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes, batay sa datos alas-4 ng umaga.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 45 km/h malapit sa sentro, bugso ng hangin na aabot sa 55 km/h, at central pressure na 1008 hPa. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 10 km/h, habang lumalawak ang malalakas na hangin hanggang 270 kilometro mula sa sentro.
Wala namang itinaas na tropical cyclone wind signal (TCWS).
“HUANING is unlikely to directly affect the country within the next 48 hours,” ayon sa PAGASA. Gayunman, mararanasan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at pagkidlat-pagkulog sa Ilocos Region, Zambales at Bataan dahil sa trough o ekstensiyon ng Huaning. Babala ng PAGASA, posibleng magkaroon ng flash floods o landslides bunsod ng katamtaman hanggang malakas na buhos ng ulan.
Inaasahang katamtaman ang pag-alon sa dagat na aabot hanggang 2.0 metro sa mga seaboards ng Batanes, hilaga at kanlurang baybayin ng Babuyan Islands, hilaga-kanlurang bahagi ng Ilocos Norte, at kanlurang baybayin ng Ilocos Sur, Pangasinan, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, Lubang Island, at Palawan. Pinapayuhan ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na mag-ingat o umiwas munang pumalaot.
Inaasahang kikilos pa-hilaga si Huaning hanggang Lunes ng gabi at tatalikod patungong hilagang-silangan sa Martes ng madaling-araw patungo sa Ryukyu Islands sa Japan. Tinatayang lalabas ito ng PAR sa pagitan ng Lunes ng gabi at Martes ng umaga. Ang susunod na tropical cyclone bulletin ay ilalabas alas-11 ng umaga.
Samantala, magdadala ng maulap hanggang bahagyang maulap na kalangitan at mga pulupulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog ang Southwest Monsoon o Habagat sa Palawan. Ang natitirang bahagi ng bansa ay makararanas ng katulad na kondisyon dulot ng localized thunderstorms. Nagbabala rin ang PAGASA laban sa flash floods at landslides tuwing may malalakas na thunderstorm.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





