Inaasahang makakaranas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Linggo dahil sa isang low pressure area (LPA) na nakapaloob sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ), ayon sa ulat ng PAGASA.
Ayon sa ahensya, makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Caraga, Davao Region, Northern Mindanao, Eastern Visayas, Albay, Masbate, at Sorsogon dahil sa epekto ng LPA. Pinag-iingat ang mga residente sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa bunsod ng katamtaman hanggang malakas na ulan.
Kaninang alas tres ng madaling-araw, tinatayang nasa 210 kilometro sa silangan ng General Santos City ang sentro ng LPA. Ito ay nakapaloob sa ITCZ na kasalukuyang nakaapekto sa Palawan, Visayas, at Mindanao.
Asahan din ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa nalalabing bahagi ng Mindanao, Visayas, at Palawan dahil pa rin sa ITCZ. Maaaring magdulot ng pagbaha o pagguho ng lupa ang malalakas na pag-ulan.
Samantala, apektado ng shear line ang Extreme Northern Luzon. Magiging maulap ang panahon sa Batanes at Babuyan Islands na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog. Pinapayuhan din ang mga residente na mag-ingat sa posibleng pagbaha o landslide.
Sa Aurora at Quezon, mararanasan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dulot ng easterlies. Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga lugar na apektado.
Bahagyang maulap hanggang maulap naman ang kalangitan sa Metro Manila at sa natitirang bahagi ng Luzon, na may mga panaka-nakang pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dahil sa easterlies. Babala ng PAGASA, maaaring magdulot ng biglaang pagbaha o landslide ang malalakas na thunderstorms.
Katamtaman hanggang maalon ang karagatan sa hilagang at kanlurang bahagi ng Northern Luzon, habang bahagya hanggang katamtaman naman sa iba pang bahagi ng bansa.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





