LPA sa loob ng PAR, may mataas na tsansang maging bagyo – PAGASA

0
557

MAYNILA. May mataas na posibilidad na maging isang tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras ang isang Low Pressure Area (LPA 07g) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa PAGASA.

Samantala, ang isa pang LPA (LPA 07h) na nasa loob din ng PAR ay may katamtamang tsansa na maging tropical depression sa parehong panahon.

Patuloy namang umiiral ang Southwest Monsoon o Habagat na nagdudulot ng maulap na kalangitan at pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.

Makakaranas ng monsoon rains ang Metro Manila, CALABARZON, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, at Occidental Mindoro. Posibleng magkaroon ng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.

May paminsan-minsang pag-ulan din sa Benguet, Tarlac, Marinduque, at Oriental Mindoro dulot ng Habagat. Pinag-iingat ang mga residente sa posibleng pagbaha o landslide.

Sa Cagayan Valley, asahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa trough ng LPA. Posible ring magkaroon ng flash floods o landslide dulot ng katamtaman hanggang sa malalakas na buhos ng ulan.

Ang Visayas, natitirang bahagi ng Luzon, Zamboanga Peninsula, BARMM, SOCCSKSARGEN, at Davao Region ay makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dulot ng Habagat. May posibilidad ng flash floods o landslide kapag may matitinding thunderstorms.

Bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan naman ang mararanasan sa natitirang bahagi ng Mindanao na may mga panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms. Posible rin ang flash floods o landslide sa matitinding thunderstorm.

Ang kanlurang bahagi ng Luzon ay makararanas ng katamtaman hanggang malalakas na hanging mula sa timog-kanluran, habang magiging katamtaman hanggang maalon ang mga baybaying-dagat.

Sa silangang bahagi ng Hilagang Luzon, katamtaman ang hangin mula sa timog-kanluran hanggang hilagang-kanluran at may katamtamang pag-alon ng dagat.

Sa natitirang bahagi ng Luzon at Visayas, katamtaman ang hanging mula sa timog-kanluran na may katamtamang pag-alon.

Sa Mindanao, inaasahan ang mahina hanggang katamtamang hangin mula sa timog hanggang timog-kanluran na may bahagya hanggang katamtamang pag-alon ng karagatan.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo