MAYNILA — Isang low pressure area (LPA) sa silangan ng Taiwan ang nabuo nitong Sabado ng hapon at naging isang tropical depression, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa 3 p.m. bulletin ng PAGASA, ito ay nasa 2,275 kilometro silangan-hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon. Sa ngayon, wala pa itong direktang epekto sa anumang bahagi ng bansa.
Ayon sa Japan Meteorological Agency (JMA), inaasahang pansamantala itong papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Martes bilang isang severe tropical storm bago magtungo Ryukyu Islands. Kapag pumasok sa PAR, bibigyan ito ng lokal na pangalan na Quedan.
Batay sa karaniwang polisiya, magsisimula ang PAGASA ng issuance ng tropical cyclone bulletins kapag ang sistema ay pumasok o inaasahang pumasok sa PAR. Mananatiling naka-monitor ang ahensya upang masundan ang landas, bilis, at lakas nito.
Bagama’t may potensyal na lumakas pa, hindi pa rin matitiyak ang pagbabago ng intensity dahil nakadepende ito sa kondisyon ng karagatan at hangin sa paligid. Ayon sa teknikal na mga modelo tulad ng TC-Threat Potential Forecast ng PAGASA, ang pagbabago ng mga forecast ay maaaring mangyari habang umuusad ang sistema.
Mananatiling alerto ang mga lokal na pamahalaan sa darating na mga araw, lalo na kung ang landas nito ay papalapit sa kapuluan ng Pilipinas.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





