LTFRB: Fuel subsidy para sa mga operator ng PUV ibibigay sa Abril

0
472

Inaasahang tatanggap ng fuel subsidy mula sa gobyerno ang mga operator ng public utility vehicles (PUV) at ang mga nagbibigay ng delivery services Abril ngayong taon.

“Handa ang DOTr [Department of Transportation] at LTFRB na ipagpatuloy ang fuel subsidy program na inaasahang sa April 2022 pa muling maipatutupad ,” ayon sa LTFRB noong Biyernes.

Habang inaprubahan na ang budget para sa programa sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) of 2022, hinihintay pa rin ng LTFRB ang paglabas ng pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM).

“Oras na mailabas ito, ibibigay ang nakalaang pera sa programa sa LBP [Land Bank of the Philippines] para mapabilis ang pagbibigay ng subsidiya sa mga benepisaryo,” ayon pa rin sa  LTFRB.

Ang programa, aniya, ay magkakaroon ng kabuuang 377,443 benepisyaryo na tatanggap ng fuel subsidy na nagkakahalaga ng PHP6,500.

Kabilang sa mga benepisyaryo na ito ang mga franchise grantees ng tradisyonal at modernong PUV, bus, mini-bus, taxi, UV Express, transport network vehicle services (TNVS), at tourist transport services.

Kasama rin ang mga tricycle operator sa ilalim ng saklaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG), at delivery services sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Information and Communications Technology (DICT).

Nabatid na ang DOTr ay may ‘special provision’ para sa fuel subsidy program kung saan ang pondo ng programa ay ilalabas lamang kung ang average na presyo kada bariles ng Dubai crude oil ay lumampas sa USD80 sa loob ng tatlong buwan batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS).

Bilang tugon sa mga alegasyon ng grupong ‘Bayan Muna’ na hindi naipamahagi ang subsidyo mula sa nakaraang pagpapatupad ng programa, sinabi ng LTFRB na lahat ng 136,230 target na benepisyaryo ng programa ay nakatanggap ng kanilang subsidy.

“Ang PHP7,200 na Fuel Subsidy ay ibinigay ng LBP sa pamamagitan ng Pantawid Pasada Program (PPP) cash card na una nang naibigay sa mga benepisaryo noong aktibo pa ang programa hanggang 2020 (The PHP7,200 fuel subsidy was distributed by LBP through the PPP cash card that was first given to beneficiaries when the program was active until 2020),” dagdag pa ng  LTFRB.

Para sa mga benepisyaryo na walang cash card, sinabi ng ahensya na binigyan sila ng mga bagong cash card sa pakikipag-ugnayan sa LBP.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.