LTO, balak magpatupad ng psycho test para sa mga ‘kamote drivers’

0
115

MAYNILA. Plano ng Land Transportation Office (LTO) na ipatupad ang psychological tests para sa mga drayber na nasasangkot sa road rage incidents at iba pang insidente ng agresibong pag-uugali sa kalsada.

Isa sa mga pangunahing halimbawa ng ganitong insidente ay ang nangyari noong nakaraang buwan sa Taguig City, kung saan isang traffic enforcer ang kinaladkad ng isang SUV driver habang sinusubukan ng huli na tumakas. Ayon sa LTO, suspendido ang drayber habang iniimbestigahan ang kaso, at inaasahang magkakaroon ng resolusyon sa susunod na linggo.

“I want to make sure if he is penalized, and he’s allowed to drive again or continue driving, dapat psychologically fit ka rin,” ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza sa isang panayam.

Ayon sa SUV driver, tumakas siya dahil natakot na siya ay pagkaisahan ng mga motorcycle drivers na nakaalitan niya sa kalsada, pati na rin ng mga taong nakatambay sa lugar. Hindi ito tinanggap ni Mendoza bilang makatwirang dahilan, at tinukoy niya na ang ganitong klase ng reaksyon ay nakakabahala.

“If nag-panic lang siya for that particular purpose, e kung panic siya nang panic? That’s something that we need to make sure that does not happen again. Before that license is given back or the privilege to drive is renewed, mag-psychological test ka muna,” dagdag pa ni Mendoza.

Dahil dito, isinasaalang-alang ng LTO ang pagbibigay ng psychological test para sa mga drayber na may malubhang paglabag o kilala bilang mga “kamote drivers.”

“We’ve worked with psychologists in coming out with a test that we can use to make sure na hindi lang siya physically fit to drive but also mentally and psychologically fit to drive… Pinapa double time ko na yan after all these incidents,” ani Mendoza.

Nilinaw rin ni Mendoza na hindi sakop ng naturang pagsusulit ang mga bagong aplikante ng lisensya, kundi tanging mga drayber lamang na nasangkot sa mga insidente ng road rage at iba pang hindi kanais-nais na pag-uugali sa kalsada. Dagdag pa niya, nais ng LTO na ipatupad ang ganitong patakaran na umiiral na sa ibang bansa.

“We’re trying to parallel with other countries also that have already adopted this and see what the record is. Gumanda ba ang record? Nauulit ba?” pahayag ni Mendoza.

Nais ng ahensiya na sa pamamagitan ng mga hakbang na ito ay mapanatili ang kaligtasan sa mga lansangan at matiyak na ang mga drayber ay hindi lamang pisikal na handa, kundi pati mental at sikolohikal na naaangkop sa pagmamaneho.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.