LTO, maglulunsad ng online portal para sa sumbong laban sa pasaway na motorista at tauhan

0
245

MAYNILA — Magkakaroon ng bagong online platform ang Land Transportation Office (LTO) para tumanggap ng mga sumbong laban sa pasaway na motorista at maging sa mga tauhan ng ahensiya.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Martes, inihayag ni LTO Chief at Transportation Assistant Secretary Markus Lacanilao na tatawaging “Isumbong Mo Kay Chief” ang naturang portal, na inaasahang mailulunsad sa susunod na linggo sa pamamagitan ng website at Facebook page ng ahensiya.

Ayon kay Lacanilao, bagaman tumatanggap na ng mga reklamo ang kasalukuyang Facebook page ng LTO, sa bagong portal ay puwede nang isumbong hindi lamang ang pasaway na motorista kundi pati na rin ang mga tauhan ng ahensiya. Sinabi rin ng opisyal na siya mismo ang titingin sa mga sumbong upang matiyak na maaaksyunan ang mga problema.

Ipinaliwanag din niya na sa pamamagitan ng portal, maiiwasan ang paglabas o pag-leak ng impormasyon, lalo na kung ang sumbong ay may kinalaman sa mga tauhan ng LTO. Binanggit ni Lacanilao na dumadami ang mga motoristang walang disiplina sa kalsada, kaya malaking tulong ang pagkakaroon ng video o larawan ng insidente upang mas mabilis itong maaksyunan.

Babala ng opisyal, mas mabigat ang ipapataw na parusa sa mga motorista na mananakit, lalo na kung may namamatay, at maaari itong humantong sa pagbawi ng kanilang lisensiya sa pagmamaneho. Sa nakalipas na mga araw, sunod-sunod ang mga pinadalhan ng show cause order (SCO) ng LTO, kabilang ang driver ng pickup truck na nakasagasa at nakapatay ng batang babae sa Ilocos Sur, ang tricycle driver sa Quezon City na umano’y nag-counter flow, ang driver ng sports utility vehicle na dumaan sa bike lane kahit naka-blinker, at isang kawani ng gobyerno na umano’y nanuntok ng kapwa motorista.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo