Maanomalyang flood control projects iimbestigahan ng Senado sa Martes

0
365

MAYNILA. Magsisimula na sa Martes, Agosto 19, 2025, ang imbestigasyon ng Senado sa umano’y maanomalyang flood control projects sa pamamagitan ng Blue Ribbon Committee.

Ito ang inanunsyo ni Blue Ribbon panel chairman Senador Rodante Marcoleta nitong Sabado, at inamin niyang magiging mabigat ang hamon sa pagsisiyasat “dahil sa laki ng multi-bilyong proyekto at sa komplikadong paglutas sa kalasuan ng korapsyon sa sistemang pampubliko ng imprastruktura.”

Ayon kay Marcoleta, hindi lamang nakatuon ang imbestigasyon sa mga contractor kundi layunin din nitong tukuyin ang mga opisyal ng gobyerno na umano’y kumikita mula sa flood control projects.

“Sabihin n’yo kung magkano binibigay n’yo sa mga taong gobyerno para hindi kayo ang madidikdik d’yan,” pahayag ni Marcoleta sa mga contractor.

Binigyang-diin din ng senador na ang mga komunidad ang direktang naapektuhan ng mapaminsalang pagbaha bunsod ng substandard na proyekto, at nanawagan siya sa publiko na makiisa sa imbestigasyon.

Nauna nang ibinunyag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na 20% ng kabuuang P545 bilyong pondo para sa flood control projects ay napunta lamang sa 15 contractor.

“Isa ito sa nakakabahalang datos: 20% ng buong P545 billion budget napunta lang sa 15 na contractor. Sa 15 na contractor na ‘yan, lima sa kanila ay may hawak ng kontrata sa buong Pilipinas. Ayan na, ito na ‘yung listahan,” pahayag ng Pangulo nitong Lunes sa paglulunsad ng website para sa flood control projects.

Nang tanungin kung may kaugnayan ang mga contractor sa ilang kasalukuyang opisyal ng pamahalaan, sinabi ng Pangulo na patuloy pa itong iniimbestigahan ng administrasyon.

Sa kanyang huling State of the Nation Address, nangako si Marcos na pananagutin ang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.