Madriaga, handang tumestigo sa impeachment proceedings laban kay VP Sara

0
134

MAYNILA — Handa umanong humarap si Ramil Madriaga, dating aide at umano’y bagman ni Vice President Sara Duterte, sa impeachment proceedings at sa Office of the Ombudsman sakaling siya ay pormal na ipatawag ng mga awtoridad.

Sa isang pulong balitaan, nilinaw ng kanyang abogado na si Atty. Raymund Palad na wala silang nalalaman o intensiyon na maisama ang affidavit ni Madriaga sa mga impeachment complaint laban sa Bise Presidente. Aniya, nabatid lamang nila ang posibilidad na ito mula sa ilang ulat-balita.

Gayunman, iginiit ni Palad na handa ang kanyang kliyente na humarap sa Kongreso kung makatatanggap ito ng subpoena.
“Alam niya nag-aral naman siya ng abogasya na sa pag-execute ng affidavit, maaari siyang ipatawag ng Kongreso, Senado, o ng Ombudsman,” pahayag ni Palad. “Kung may subpoena at siya’y ipatawag, mag-a-appear po siya.”

Dagdag pa ng abogado, sa ngayon ay wala pa umanong kumokontak sa kanila kaugnay ng nasabing usapin.

Samantala, umaasa si House Committee on Public Accounts Chairperson at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na makapagbibigay-liwanag si Madriaga hinggil sa mga umano’y tumanggap ng confidential funds mula sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

“Kung may alam si Mr. Madriaga tungkol sa mga bogus na pangalan, panahon na para mailahad ito upang magkaroon ng linaw, lalo’t hindi ito sinasagot ni Vice President Duterte,” ani Ridon.

Ayon sa mga ulat, umano’y naubos ang kabuuang P612.5 milyong confidential fund ni VP Duterte kabilang ang P125 milyon sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.

Nauna nang sinabi ni Madriaga na nagsilbi umano siyang bagman ng Bise Presidente at personal na nag-deliver ng mga bag ng pera.
“If Mr. Madriaga knows the process, the handlers, and the real persons behind these entries, then his account can help close the gaps that continue to trouble this issue,” pahayag pa ni Ridon.

Kabilang si “Mary Grace Piattos” sa mga tumanggap umano ng confidential fund batay sa mga dokumentong isinumite ng OVP sa Commission on Audit.

Noong Huwebes, pormal na ipinadala ng tanggapan ni House Secretary General Cheloy Garafil ang dalawang impeachment complaint laban kay Duterte sa Office of the Speaker.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.