Mag-iina pinagbabaril sa Laguna, sanggol patay

0
729

SAN PABLO CITY, Laguna. Patay ang isang 11-buwang sanggol habang sugatan ang kanyang ina at lola matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa isang karinderya sa Barangay San Gregorio nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ang nasawing sanggol na si Catherine Cuenca Lunar, residente ng Barangay San Francisco, San Pablo City. Sugatan naman ang kanyang ina na si Rhea Cuenca Lunar, 30, at ang lola na si Mercelita Cuenca Lunar, 56, na byuda.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng San Pablo City Police, bandang alas-10 ng gabi ay kumakain ang mag-iina nang dumating ang mga suspek at pagbabarilin ang mga biktima. Mabilis na tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Maharlika Highway.

Agad dinala sa Panlalawigang Pagamutan ng Laguna ang mga biktima, ngunit idineklarang dead on arrival ang sanggol. Ginagamot naman ang ina na nagtamo ng tama ng bala sa kanang balikat at ang lola na tinamaan sa kanang hita.

Patuloy ang isinasagawang manhunt operation ng pulisya habang iniimbestigahan pa ang motibo sa likod ng pamamaril.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.