Mag ingat sa hawahan ng Covid-19 sa bahay, ayon kay Dr. James Lee Ho at Dr. Caponpon

0
540

Asymptomatic carrier, nadiskubre habang kumukuha ng health clearance

San Pablo City.  Napapanatili sa lungsod na ito ang mababang mga kaso ng Covid mula Nobyembre 12 hanggang Nobyembre 18, 2021, batay sa ulat ni SPC Anti-Covid 19 Task Force Incident Commander Dra. Mercydina Abdona Mendoza-Caponpon kina Mayor Loreto ‘Amben’ Amante at City Health Officer Dr. James Lee Ho .

Sa nakalipas na 7 araw, 24 ang kabuuang naitalang kaso. Walo sa mga ito’y nakitaan ng mga sintomas ng karamdaman. Samantala, may natuklasang isang asymptomatic carrier habang kumukuha ng health clearance at napag alamang 15 ang naging close contact nito.

Ang nabanggit asymptomatic carrier ay natunton na nakapanghawa sa kanyang mga kasambahay na naitala bilang mga bagong kaso.

Mula 913 active cases noong huling linggo ng September ay 37 na lamang ang natitira. Ang  35 nito’y sa loob ng San Pablo City ginagamot at nagpapagaling samantalang 2 ang nasa labas ng kalunsuran.

Patuloy ang nanawagan Si Dr. James Lee Ho at Dr. Caponpon na mag ingat sa hawahan sa loob ng bahay. Ayon sa kanila ay nararapat na manatiling alerto at patuloy na ipatupad ang pag iingat upang hindi magkahawahan.

Upang hindi makapasok ang virus sa loob ng ng bahay, bombahin ng alkohol ang swelas ng sapatos at huwag ipasok sa loob ng bahay, disinpektahin ang mga bagay na galing sa labas gaya ng bag, susi at mobile phone. Ilagay agad sa tubig na may sabon ang damit na hinubad at maligo agad.

Matatandaan na sa mga naranasang surge ng Covid-19 noong buwan ng Agosto ay sa loob ng bahay naganap ang malaking bilang ng kaso ng hawahan, ayon sa report.

Ipinapayo ni Dr. Lee Ho na kung lalabas ng tahanan ay panatilihin ang pagsusuot ng facemask, umiwas sa umpukan ng mga tao, laging maghugas at mag-alkohol ng mga kamay at mag social distancing.

Mariin din ang kanyang mensahe sa mga magulang at guardian na pabakunahan sa lalong madaling panahon ang mga edad 12 hanggang 17 na wala pang bakuna.

Author profile
sandy-belarmino
Sandy Belarmino

Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV.  Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.