Mag-live-in partner, dinukot sa Rizal

0
241

CAINTA, Rizal. Kinumpirma ng pulisya ng Cainta ang pagdukot sa isang mag-live-in partner sa bayang ito, matapos makatanggap ng report mula sa pamilya ng biktima. Ang insidente ay naganap noong madaling araw ng Lunes, Hulyo 29, 2024.

Kinilala ang mga biktima na sina Mary Grace Frondozo, 29, at ang kanyang live-in partner na si Ronnie Ignacio, 33, kapwa residente ng Antipolo, Rizal.

Ayon sa ulat ng pulisya, isang Nissan Juke SUV na pag-aari ng mga biktima ang natagpuan na abandonado sa Ortigas Avenue Extension, Cainta. Ang sasakyan ay iniulat na iniwan sa harap ng isang convenience store malapit sa Rublou Business Center.

Sa pamamagitan ng mga kuha ng CCTV camera sa lugar, napag-alaman na hindi bababa sa tatlong lalaki ang pumasok sa sasakyan ng mga biktima at sapilitang isinama sila. Ang mga suspek ay sakay sa isang Mitsubishi L300 FB Body na walang plaka.

Bago ang insidente, isang concerned citizen ang nag-report sa pulisya tungkol sa abandonadong sasakyan. Nang maghain ng blotter ang ama ni Mary Grace, na si Ernesto Frondozo, ay nagkaroon ng koneksyon ang dalawang kaso.

Sinabi ni Frondozo na huling nakausap niya ang kanyang anak bandang 4:00 ng madaling araw, kung saan sinabi nitong pauwi na sila. Gayunpaman, hindi na niya muling nakausap ang kanyang anak sa telepono.

Kasalukuyang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang matunton ang mga suspek at maisalba ang mga biktima. Hinikayat din nila ang publiko na magbigay ng anumang impormasyon na makatutulong sa kanilang paghahanap.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.