Live-in partner na nangholdap sa Seven Eleven, timbog sa San Pablo City

0
954

San Pablo City, Laguna. Huli ang mag live-in partner na nangholdap sa isang convenience store sa San Pablo City, ayon sa report ni San Pablo City Police Chief PLTCOL Gary C. Alegre kay Laguna Provincial Police Office Director PCOL Rogarth B. Campo kahapon.

Ang mga suspek ay kinilala ni PCOL Campo na sina Kevin Ranther Cayabyab Medrano, 25 anyos, isang online moderator kasama ang kanyang kinakasama na si April Joy Arevalo Abaquita, 23 anyos, pawang residente ng Barangay VI-E, San Pablo City sa nabanggit na lungsod.

Ayon sa report, bandang 8:30 kagabi ay pumasok ang mga suspek sa Seven Eleven convenience store sa Brgy. del Remedio sa San Pablo City at itinali ng lace na kulay pink ang dalawang tauhan nito sa back room at binantaan na huwag manlalaban kung ayaw nilang masaktan. 

Kinuha ng suspek na si Medrano sa manager na kinilalang si Marissa Tolentino Capilit ang benta sa kaha na nagkakahalaga ng Php 99,940.00.

Bago makalabas ang mga suspek ay nakalas ang pagkakatali sa isang tauhan na kinilalang si Judy Ann Tigbao na agad humingi ng saklolo sa mga bystander kung kaya nakulong sa loob ng tindahan ang dalawang suspek hanggang sa dumating ang mga barangay tanod ng Brgy. del Remedio.

Agad silang dinakip at dinala sa San Pablo City Police Office kung saan sila ay kasalukuyang nakakulong at nakatakdang humarap sa kasong robbery hold-up.

Nabawi ng mga pulis ang perang ninakaw ni Medrano na halagang ninety-nine thousand nine hundred forty pesos.

“Bilang prime onlookers sa kani-kanilang lugar, malaki ang tiwala at pasasalamat ko sa suporta ng ating mga barangay enforcers sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa ating lugar,” ayon sa mensahe ni PCOL Campo.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.